LEKSYON SA PANANALASA NG DROGA SA IBANG BANSA

LEKSYON SA PANANALASA NG DROGA SA IBANG BANSA

June 7, 2022 @ 11:39 PM 3 weeks ago


MAGANDANG pag-aralan ang nagaganap sa ibang bansa kaugnay ng droga at mailapat ang mga leksyon na makukuha mula sa mga ito.

Sa Latin Amerika, ang mga bansang Mexico, Venezuela at Colombia ang matagal nang namomroblema sa droga habang nagsimula nang atakehin ng droga ang mga bansang Chile, Peru, Ecuador, Uruguay, Bolivia at Argentina.

Sinasabing galing sa naunang tatlong bansa ang nagpapalaganap ng droga sa buong Latin o South America.

Halimbawa, pumasok na sa huling anim na bansa ang mga drug cartel na Sinaloa at Jalisco New Generation mula sa Mexico, Tren de Aragua mula sa Venezuela at Cartel del Golfo mula sa Colombia.

Sinasabing nagsimula ang pagpasok ng mga drug cartel noon pang 2014 o mas maaga pa habang deka-dekada nang nakatayo ang mga ito sa Mexico, Venezuela at Colombia.

Dala-dala nila pangunahin ang mga drogang cocaine at marijuana.

MABILIS NA PAGDAMI NG MGA KRIMEN

Siinasabing mapayapa ang mga bansang Chile, Peru, Ecuador, Uruguay, Bolivia at Argentina.

Ngunit nang mapasukan sila ng mga nasabing malalaking drug cartel na ang impluwensya ay aabot maging sa United States, mabilis na dumami ang mga nakatatakot na krimen.

Kabilang sa mga krimen ang pagpatay, pagpasok at paglaganap ng mga iligal na baril, pangingikil, rape at prostitusyon, korapsyon at iba pa.

Sa Chile, 40 porsyento ang itinaas ng homicide habang 66% naman ang sa murder mula 2016 hanggang 2021.

Sa United States, tumaas ang murder sa nasa 7.8% kada 100,000 katao noong 2020 na pinakamataas kumpara sa nakalipas na 100 taon.

Nitong nakaraang taon, umabot sa 84.4% ang pagdami ng krimen sa Ecuador at 33% sa Uruguay.

Nagdeklara naman ang Peru ng state of emergency laban sa mga contract killing o murder-for-hire group habang nananalasa rin ito sa Paraguay at sinasabing maaaring ganito rin ang nagaganap sa Argentina.

Sinasabing hindi maagang nakapaghanda o talagang mahina sa ngayon ang kampanya laban sa droga at mga drug cartel sa mga bansang nabanggit, bukod sa korapsyon na nalikha ng mga carte.

Kabilang sa mga hindi nagpahandaan at kahinaan ang kakulangan o kawalan ng mga batas laban sa mga salot sa antas ng sistemang pangkatarungan, teknolohiya laban sa krimen at iba pa.

Sinamantala rin ng mga drug cartel ang kagustuhan ng mga mahihirap na umunlad ang buhay at dito nagsimula ang malawakang bentahan ng droga na umabot na rin sa hanay ng mga mayayaman.

At ngayon, hindi na mapalagay o matindi na ang takot ng mga mamamayan sa komunidad sa naglipanang mga durugista, tulak at druglord na handang magsagawa ng iba’t ibang krimen.

Isa sa naging bikitma ng pagpatay ng isang durugista at tulak sa reporter na si Francisa Sandoval na kumober lamang sa union rally kaugnay ng International Workers Day.

SA PILIPINAS?

Muling inilulutang ng mga demonyong druglord, narco-politician, ninja cops, tulak at durugista ang ulo nilo habang papaalis na sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte na nagwasiwas ng kamay na bakal laban sa kanila.

Itinuturing ba ng mga salot na ito na matutulad ang bagong pamahalaang Marcos sa mga bansang mahihina laban sa kanila.

Diyan sila tiyak na nagkakamali at dapat na tumulong ang buong bayan laban sa mga salot na ito.