Leni ‘di ‘nakiisa’ sa drug war ng Duterte admin

Leni ‘di ‘nakiisa’ sa drug war ng Duterte admin

April 11, 2022 @ 12:04 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Bigong makipagtulungan si Vice President Leni Robredo sa kampanya kontra-droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay base sa mga naging pahayag kamakailan ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, hinggil sa mga naging aksyon ni Robredo upang magkaroon ng kongkretong programa sa paglaban sa iligal na droga.

Sinabi ni Aquino na kung nakipagpulong sana si Robredo, na itinalaga ni Pangulong Duterte sa maikling panahon bilang co-chair ni Aquino sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), magiging mas malaki sana ang “scope of knowledge” nito (Robredo) sa kung ano ang drug situation ng Pilipinas.

Matatandaan na dahil sa kanyang mga walang basehang pagbatikos sa drug war ng administrasyon, minabuti ni Pang. Duterte na italagang ‘Anti-Drug Czar’ si Robredo noong Nobyembre 6, 2019, kasama ni Aquino.

Subalit, umabot lang ng 19 na araw ang kanyang termino dahil sa halip na alamin ang mga ginagawa ng gobyernong Duterte upang labanan ang iligal na droga, mas inatupad ni Robredo na unahing makipag-usap sa mga Amerikano at sa United Nations Office on Drugs and Crime. Pagkatapos ng mga pagpupulong, naglalabas ng mga pahayag si Robredo na minamalkit ang nagawa ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Ayon kay Aquino, na itinalaga ni Pang. Duterte bilang presidente/CEO ng Clark International Airport noong Setyembre 2020, ang inasal ni Robredo ay pagpapakita na hindi nakikiisa si Robredo sa kampanya laban sa iligal na droga.

Ayon sa dating hepe ng PDEA, “misinformed” si Robredo dahil sa kabiguan nitong makipagpulong sa tatlo sa apat na ICAD clusters.

“Sinabi ko sa kanya na, ‘You need to meet (with) the four clusters. Ang nangyari she failed to meet (with) the other three clusters when she started to meet (with) other international counterparts like the US, the United Nations Office on Drugs and Crimes (UNODC),” ayon sa isang pahayag ni Aquino.

Ayon pa kay Aquino, ang tanging pinulong ni Robredo ay ang enforcement cluster ng ICAD, na ang pangunahing trabaho ay magsagawa ng anti-illegal drug operations sa tulong ng ibang law enforcement agencies at ng National Anti-Drug Task Force.

Bigo umano si Robredo na makipag-dayalogo sa mga clusters ng ICAD na kinabibilangan ng justice, advocacy at rehabilitation and reintegration clusters.

Dagdag pa ni Aquino, posible sanang nakapagbigay ng mas maraming rekomendasyon si Robredo kung paano tugunan ang problema sa iligal na droga at nakapagpatupad sana ito  ng mga programa at istratehiya upang mas palakasin pa ang ICAD, kung nakipag-pulong lang ito sa apat na clusters ng ICAD.

Tuluyang napikon si Pang. Duterte kay Robredo at sinibak ito sa ICAD nang imbitahan ni Robredo na magpunta sa Pilipinas si UN prosecutor Phelim Kine.

Ayon naman kay Kine, ‘packed and ready to go’ na siya sa Pilipinas kung saan ang una niyang gagawin ay “arestuhin” si Pang. Duterte, dahil sa umano’y “libo-libong biktima” ng drug war.

Noong Oktubre 2019, bago itinalaga ni Pang. Duterte si Robredo sa ICAD, nagsalita si Robredo sa United Nations kung saan sinabi nitong aabot sa “27,000” ang mga namatay sa drug war.

Sa halip na opisyal na datos ng gobyerno, ginamit ni Robredong batayan ang mga ulat ng Rappler at mga prenteng orgnisasyon ng Communist Party of the Philippines. RNT