Leody de Guzman ‘di imbitado sa GMA presidentiable interview

Leody de Guzman ‘di imbitado sa GMA presidentiable interview

January 23, 2022 @ 8:43 AM 4 months ago


MANILA, Philippines — Hindi umano inimbitahan si Presidential aspirant at labor leader Ka Leody de Guzman sa Presidential Interviews ng GMA 7 News and Public Affairs.

Sa kabila nito, hinikayat naman ni De Guzman ang publiko sa kanyang Facebook live stream sa official page ng Partido Lakas ng Masa para sagutin ang ilang mga katanungang ibinato ng batikang mamahayag, Jessica Soho, sa mga presidentiables sa nasabing interbyu.

“Dahil hindi ako naimbitahan sa Presidential Interviews ni Jessica Soho at ng GMA News & Public Affairs, ako ay magkakaroon ng FB Live mamaya para sagutin ang mga tanong na ibabato sa ibang kandidato para maipresenta ko sa publiko ang aking mga pananaw, tindig at plataporma,” pahayag ni De Guzman.

Nagpahayag din si De Guzman ng interes sa pagdalo sa presidential debates na oorganisahin ng Commission on Elections.

“Tingin ko, tungkulin ng bawat kandidato na ipakilala ang kanyang sarili at kanyang plataporma sa mga botante upang magkaroon sila ng ‘informed choice’ sa Mayo 2022,” aniya pa.

Nauna nang sinabi ng GMA na inimbitahan nila ang mga presidential candidate na nanguna sa mga isinagawang pre-election surveys, at tanging si ex-senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagpahayag na hindi dadalo.

Dumalo naman sina Vice President Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Sen. Manny Pacquiao. RNT