LEPTOSPIROSIS AT BAHA 

LEPTOSPIROSIS AT BAHA 

October 14, 2022 @ 1:50 AM 2 months ago


MAYROON nang naiuulat na namatay dahil sa leptospirosis.

Mabagsik ang leptospirosis lalo na kung pababayaan lang na kumapit ito sa biktima.

Kapag lagnatin ka nang todo at hindi na uubra ang mga gamot sa lagnat, mag-isip-isip ka na.

Kapag hindi ka na makaihi at giniginaw ka na, pag-isipan mo na kung itakbo mo ang iyong sarili sa ospital.

May iba pang palatandaan ng leptospirosis gaya ng pamumula ng mata, pagkakaroon ng sore throat, matinding sakit sa ulo, pananakit ng mga kasu-kasuan, pagsusuka at pagdudumi nang may dugo at iba pa.

Kung mangyari ang lagnat, ginaw at hindi pag-ihi sa ilang araw o isang linggo, kung hindi ka magpaospital, magdasal ka na tatanggapin ka ni Lord sa kanyang kaharian.

Ganyan ang leptospirosis kung umatake.

Sa ospital, malalakas na gamot na anti-biotic ang isasaksak sa iyo.

Maaaring abutin ka ng isang linggo sa ospital na gumaling o kaya didiretso ka sa crematory.

Maliit lang naman ang nasasawi sa mga biktima dahil nasa 5-20 lang angbilang.

Pero paano kung ikaw o pamilya mo ang matamaan?

Kaya dapat kang mapagbantay sa sakit na ito kung kakapitan ka para makagawa ka ng paraan.

Magandang malaman ang mga sintomas ng buong pamilya upang makatulong sila sa pagdedesisyon, lalo na ang pagpapadala sa ospital ng biktima.

PINAGMUMULAN

Nagmumula ang leptospirosis karaniwan mula sa mga ihi o dumi ng mga hayop na daga, aso, baboy, kabayo, kambing at iba pa.

Bakteria ito at hindi virus.

Nahahawa tayo rito mula sa ihi o dugo ng kinapitan nito.

Maaari ring papasok sa ating katawan mula sa paa kung lumalakad o nakalubog tayo sa baha.

Maaari rin tayong kapitan kung mahilig tayo sa camping at hiking o lulusong at lalangoy sa mga may bakteria na panglepto.

Sinisira ng lepto ang ating mga baga at paduduguin nito o ang kidney o bato kaya.

Maari ring sirain ng bakteria an gating atay at kidney o bato.

Maaari rin tayong mabulag.

Ganyan katindi ang sakit na ito.

DAPAT MAPAGBANTAY

Sinasabing karaniwang tinatamaan ang mga bata at buntis.

Ngunit tinatamaan din ang kahit sino.

At karaniwang nagkakasakit ang mga biktima sa tag-ulan na laging may baha sa paligid, maging ang mga lupa.

Naalala tuloy natin ang mga makukulit na bata.

Sa mga kalunsuran, anak ng tokwa, nagsu-swimming ang mga bata sa mga kalsada.

Eh alam naman nating puno, hindi lang ng tubig ulan ang mga kalsada kundi maging mga tubig-kanal at imburnal.

Sa ibang salita, mga Bro, marurumi ang mga tubig-baha.

Kaya naman, dapat bantayan ang mga batang makukulit na ginagawang swimming pool ang mga kalsada.

Maganda ring maghugas lagi ng mga paa ang mga may edad na kailangang lumakad sa mga baha at iba pang katubigan na marurumi.

At maganda kung matutunan ng lahat ang magbota kaya magpaa-paa o magsapatos nang tinatagos ng tubig-baha.

Lahat dapat ay magbantay laban sa leptospirosis at mag-ingat dito upang maligtasan natin ang mga kamalasang dala ng sakit na ito.