Leptospirosis, maaaring makuha sa simpleng wisik sa mata

Leptospirosis, maaaring makuha sa simpleng wisik sa mata

July 6, 2018 @ 10:43 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) na ang nakamamatay na leptospirosis ay maaring makuha sa simpleng wisik ng kontaminadong tubig sa mata.

Babala pa ni Health Secretary Francisco Duque III, maaari rin aniyang makuha ang leptospirosis mula sa ihi ng pusa, baboy at kambing, pati sa kontaminadong putik.

“Kung medium risk ka, may sugat ka sa paa, nasulong ka sa baha, nawisikan ka sa mata — kahit na tubig lang sa mata ha, magkakaroon ka ng leptospirosis niyan — mainom mo iyung tubig, talagang magkakaroon ka ng lepto,” sabi ni Duque sa isang panayam.

Kahapon, (July 5) nagdeklara ang ahensiya ng leptospirosis outbreak sa 18 na barangay sa pitong siyudad sa Maynila. Ayon sa tala mula Enero 1 hanggang Hulyo 3, nagkaroon ang rehiyon ng nasa 368 na kaso ng leptospirosis kung saan 52 sa mga ito ang namatay.

Pinayuhan naman ni Duque na agad na kumunsulta sa doctor at uminom ng antibiotic kontra leptospirosis kung sakali mang ma-expose sa kontaminadong tubig.

Ang karaniwang sintomas ng leptospirosis ay lagnat, sakit ng ulo, chills, muscle pain, pamumula ng mata at pagduduwal.  (Remate News Team)