LGBTQ pinagtanggol ni Padilla sa same sex union

LGBTQ pinagtanggol ni Padilla sa same sex union

August 14, 2022 @ 2:50 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Mistulang ipinagtanggol ni Sen. Robin C. Padillaang panukalang batas sa karapatan ng mga same-sex couples dahil magkakaroon naman n g malayang talakayan na bukas sa lahat.

Ani Padilla, dadaan sa proseso ang Senate Bill 449 – kasama na ang mga pagdinig sa Senado sa kumite at plenaryo – at dito maaaring magbigay ng panig ang mga sumusuporta o tumututol dito.

“Bilang senador ng buong bansa na kanilang pinagkatiwalaan na iboto rin at lapitan, kailangan ko ito aksyunan nang walang drama. Malinaw po sa aking mandato na wala akong pipiliin na panigan o pakinggan,” ani Padilla sa kanyang Facebook account.

“Ang lahat ay pantay-pantay. Ang lahat ay may puwang sa ating Saligang Batas. Ang panukala po na ito ay dadaan sa napakahabang proseso ng pagdinig kaya’t ano man po ang inyong hinaing, mainam po na ihanda ang sarili at inyong organisasyon at makiisa po sa debate sa pagdinig nito,” dagdag ng mambabatas.

Iginiit din ni Padilla na ang pagpapalitan ng talumpati at pahayag tungkol sa panukalang batas ay bahagi ng ating demokrasya.

Dahil dito, inimbitahan niya ang publiko na basahin ang laman ng panukalang batas niya sa halip na maghusga agad.

“Ang lahat po ay iniimbitahan na basahin ng detalyado ang Panukalang batas upang mas makalahok sa talakayan patungkol dito. Huwag na muna po tayo maghusga. Masyado pa po maaga para magkaroon ng judge,” aniya.

Ipinagtanggol din ni Padilla ang karapatan ng LGBTQIA community, na ayon sa kanya ay binubuo ng mga “reasonable at mga respetadong tao” na “nais lamang po … mapakinggan ang kanilang mga hinaing sa apat na sulok ng silid ng demokrasya.”

“Wala po silang intensyon na sagasaan ang anumang religion kayat ang kanilang mungkahi po ay civil hindi Simbahan – an exercise of their democratic Right to Freedom of Religion. Right to Freedom. Right to Equality. Right against Exploitation,” ani Padilla.

Idiniin din ni Padilla na hindi niya sasalungatin ang mga paalala ng grupong Muslim na may kinalaman sa kanyang panukalang batas.

“Sila po ang nakakaalam ng Tama at Mali sa ating pananampalataya. Kailanman man po hindi ko sasalungatin ang kanilang mga pahayag ng pagtutuwid. Bagkus nagpapasalamat po ako sa kanilang mga paalala, pahayag at dua Alhamdulillah jazakum allah khayran, aniya. Ernie Reyes