LGBTQ PLUS PRIDE MONTH

LGBTQ PLUS PRIDE MONTH

June 20, 2022 @ 2:46 PM 1 week ago


Ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay nakikiisa sa selebrasyon ng “LGBTQ plus Pride Month” hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Batay sa pagtataya, may sampung milyong Pilipino ang nabibilang sa LGBTQ sector o ang Lesbians, Gays, Bisexuals, Transgender at Queer sa ating bansa. Bagamat masasabing konserbatibo pa ang lipunang Pilipino, walang pasubaling natanggap na ng marami ang konsepto ng pagkakaroon ng LGBTQ plus community kung pagbabatayan ang kasikatan ng mga celebrity na aminadong bakla at tomboy sa telebisyon at pelikula.

Itinuturing bilang “bakla” ang mga lalakeng nagbibihis, umaakto o may pakiramdam bilang babae, at “tomboy” naman ang kabaliktaran nito. Sa pagdaan ng panahon, umusbong na rin ang kategoryang “bisexual” na kapwa tumutukoy sa lalake o babaeng nakakadama ng interes sa kapwa kasarian ngunit umaakto parin bilang lalake o babae sa kilos, pananalita at kaisipan, habang ang “transgender” naman ay ‘yong mga bakla o tomboy na ganap nang naging mga babae o lalaki sa tulong ng siyensya, at ang queer naman ay mga hindi pa tiyak sa kanilang pipiliing kasarian.

Noong 1973, inalis ng American Psychiatric Association sa listahan ng Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders ang “homosexuality” bilang isang “clinical mental disorder”. At sa pagdaan ng panahon, naging bukas na ang kaisipan ng maraming bansa sa buong mundo at kinilala ang pag-usbong ng LGBTQ plus community.

Dito sa Pilipinas, ang terminong “bakla” ay tumutukoy hindi lamang sa mga cross-dresser kundi maging sa tomboy, bisexuals, transgenders at queer. Masasabing may limitadong karapatan ang LGBTQ plus sector sa ating bansa, ngunit sila ay namumuhay ng normal at mayroong protektadong karapatan sa ilalim ng mga batas, ngunit hindi nga lamang kinikilala ng estado ang “same sex marriage.”

Ang pagpasok ng mga bakla at tomboy sa pulitika ay hudyat diumano ng pagbabago sa “stereotyping” na sila ay para lamang sa mga parlor, likod ng kamera, patahian, comedy bars o sing-along, at pagsusulong na rin ng mga karapatan ng LGBTQ plus community.

Hindi mapapasubalian, sa sining higit na mahusay ang mga bakla at tomboy. Ilan sa mga kinikilalang pangalan ay sina Lino Brocka, Ishmael Bernal at Ramon Valera na kinilala bilang National Artists para sa pelikula at fashion design.