LGU hinimok ng Palasyo na tumanggap ng walk-in sa ‘Bakunahan 2’

LGU hinimok ng Palasyo na tumanggap ng walk-in sa ‘Bakunahan 2’

December 6, 2021 @ 9:20 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng Palasyo ang mga local government units (LGUs) na payagan na ang mga walk-in na nais magpabakuna kontra COVID-19 sa ikalawang bugso ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ drive sa Disyembre 15 hanggang 17.

“Siyempre iyong sinasabi namin na mga improvements like accommodating walk-ins. But the process, it’s really up to the LGUs and then kung paano iyong proseso. Ang paki-usap lang namin ay magkaroon ng sistema also for walk-ins,” sinabi ni acting Presidential spokesperson Karlo Nograles sa panayam sa radyo nitong Linggo, Disyembre 5.

Dagdag pa ni Nograles, inatasan rin umano sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng hanggang 12-hour operating time ang mga bakunahan hanggat mayroon pang mga nakapilang magpapabakuna.

“Direktiba rin po iyon ng Pangulo. Ang sabi nga niya basta may nakapila pa diyan, nandoon pa sa linya, may nag-aantay pa eh huwag ninyo pong isara ang vaccination sites,” dagdag pa niya.

Nais rin umano ng Pangulo na araw-araw dapat bukas ang mga vaccination sites.

Maaari rin umanong ikonsidera ang house-to-house efforts ng mga LGU para sa mga senior citizen at persons with comorbidities.

“Several or many of the LGUs ay gumagawa po ng mga house-to-house. Kung lahat po ng LGUs ay magkaroon ng ganiyang klaseng initiative especially para sa mga senior citizen natin at iyong mga, those with comorbidities, mas maganda po iyan,” aniya.

Nagpaalala naman si Nograles sa publiko na huwag nang maging mapili sa kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ibibigay.

“Kailangan paulit-ulit po nating banggitin at i-remind ang lahat ‘no na wala na dapat iyong brand preference. Kung ano pong mayroon diyan, iyan pong lahat ng mga vaccines po natin ay safe and effective po para sa lahat.”

Matatandaan na sinimulan ang unang bugso ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 at nakapagbakuna ng nasa 8 milyong mga indibidwal. RNT