LGU inatasang makiisa sa clean-up drive ng DOLE

LGU inatasang makiisa sa clean-up drive ng DOLE

March 14, 2023 @ 9:36 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kasunod ng pagtaas ng mga kaso ng dengue at cholera, hinimok ng isang mambabatas ang Local Government Units (LGUs) na makiisa sa isinasagawang clean-up drive ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced (TUPAD) program.

Ayon kay Rizal Rep. Fidel Nograles sa datos ng Department of Health (DOH)- Disease Surveillance Report ay nasa 220,705 dengue cases ang naitala mula Jan. 1 hanggang Dec. 17, 2022, mas mataas ito ng 182 percent kumpara sa 78,223 cases noong 2021, ang pinakamataas na kaso ng dengue ay naitala sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon) na may 19,374 cases.

Tumaas din ang Cholera cases ng 282% na nasa 5,860 cases noong 2022 kumpara sa 1,534 kaso noong 2021.

Ani Nograles, maraming sakit ang maiiwasan kung mayroong regular na paglilinis sa kapaligiran.

“Ang paglilinis ng komunidad ay responsibilidad ng lahat ng mamamayang nakatira rito. Walang exempted sa responsibilidad na ito, kahit ang mga halal na opisyal,” ani Nograles.

Sinabini Nograles, Chairman ng House Committee on Labor and Employment, maaaring sabayan ng LGUs ang isinagawang paglilinis ng mga TUPAD workers na nasa ilalim ng DOLE.

“Huwag po sana nating iasa lamang ito sa mga naatasang maglinis at sa ating mga TUPAD workers,” dagdag pa ni Nograles.

Partikular na hiniling ng mambabatas sa LGUs ang regular na paglilinis ng kanal at estero na syang kalimitang pinagmumulan ng mga sakit gaya ng dengue at nagdudulot ng baha. Gail Mendoza