LGU na mabagal mag-isyu ng S-pass aaksyunan ng DILG, IATF

LGU na mabagal mag-isyu ng S-pass aaksyunan ng DILG, IATF

December 10, 2021 @ 3:18 PM 10 months ago


Manila, Philippines – Ipinaubaya na ng Malakanyang sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task Force (IATF) ang pag-aksyon sa Local Government Units (LGUs) na mabagal mag-isyu ng S-pass dahilan para may ilang pasahero ang naiiwan ng kanilang flight.

Naniniwala ang ilang airline company na alam ng DILG at ng regional IATF ang mga problema hinggil sa kabagalan at kupad ng ilang lokal na pamahalaan na magproseso ng s-pass na syang nagiging dahilan kung bakit hindi nakakasakay sa kanilang flight ang ilan sa mga pasahero sa paliparan.

Sa Laging Handa Briefing sinabi ni PAL spokesperson Cielo Villaluna na sa kanilang pagkakaalam, gumagawa na umano ng mga paraan ang gobyerno upang hindi na mangyari ang mga ganitong problema sa mga pasahero.

Ani villaluna, nasa kapangyarihan ng DILG at IATF ang pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga lokal na pamahalaan na mapatutunayang nagpapabaya at hindi tinutupad ng maayos ang kanilang tungkulin lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Magugunitang nauna nang sinabi ni villaluna na may mga insidente pa nga na 30 minuto na lamang bago ang flight ay doon pa lamang natanggap ng ilang pasahero ang kanilang approved s-pass.

Bukod dito, may insidente rin aniya na talagang tuluyan nang naiwan ng kanilang flight noong October 22, 2021, ang dalawang senior citizen dahil sa kabagalan ng lokal na pamahalaan ng Dumaguete City, sa Negros Oriental na magproseso at mag isyu ng S-pass.

Samantala, ayon naman sa ilang pasahero na biktima ng ganitong insidente, hindi libre ang kanilang rebooking at hindi rin sila binigyan ng refund ng isang airline company.

Kung saan base anila sa paliwanag ng naturang kumpanya , hindi pasok sa ‘force majeure’ ang nangyari sa kanila dahil hindi umano ang airline ang may problema sa kung bakit sila naiwan ng kanilang flight at sa halip ay dahil sa pagkukulang at pagkakamali ng lokal na pamahalaan. Kris Jose