Libing ni Mayor Halili: pamilya at taga-suporta hustisya ang hiling

Libing ni Mayor Halili: pamilya at taga-suporta hustisya ang hiling

July 9, 2018 @ 10:05 AM 4 years ago


 

Tanauan City – Daan-daang indibidwal ang dumalo sa paghahatid sa huling hantungan ng yumaong si Mayor Antonio Halili na kilala bilang “Little Digong,” dahil sa kaniyang paraan ng pagsugpo sa krimen sa kaniyang nasasakupan.

Kahit hindi maganda ang panahon, kahapon (July 8), inilibing na si Halili, 72-anyos, matapos ang huling public viewing nito sa City Hall.

Nakasuot ng puti ang pamilya ni Halili ngunit marami sa mga dumalo ay nakasuot ng dilaw na damit bilang simbolo ng kanilang hiling para sa hustisya.

Si Halili ay pinatay noong Lunes habang nasa flag-raising sa harap ng City Hall.

Kasama si Halili sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasangkot sa narcotics trade na naging rason para mawalan ng control ang Mayor sa lokal na pulis noong nakaraang taon.

Mariin naman itinanggi ng pamilya at mga kaibigan ni Halili ang nasabing alegasyon.

Samantala, binigyan naman nina Batangas Gov. Hermilando Mandanas at Tanauan City Council si Halili ng posthumous award para sa kaniyang mga nagawa bilang isang lokal na punong ehekutibo.

Ito ay bago kantahin ng mga apo ni Halili ang acappella Bon Jovi’s “Bed of Roses” na paboritong kanta ng kanilang yumaong lolo.

“You were taken away from us. [You were] a strong person in every aspect of life. I will do my best to give you justice,” sabi ng anak ni Halili na si Angeline.

Inilarawan naman ng naulilang asawa ni Halili na si Gina ang kaniyang yumaong asawa bilang kagalang-galang at mapagmahal hindi lamang sa kaniyang pamilya kundi pati na sa kaniyang nasasakupan.

Binigyan ng mga pulis si Halili ng 21-gun salute habang ang watawat ng Pilipinas ay nakapatong sa kaniyang ginintuang kabaong. (Remate News Team)