Libo-libong mananakay, pinaka-apektado sa tigil-pasada – LCSP

Libo-libong mananakay, pinaka-apektado sa tigil-pasada – LCSP

March 3, 2023 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Higit na maaapektuhan ang libu-libong commuters sa ikinakasang isang linggong tigil pasada na magsisimula sa Lunes, Marso 6.

Panawagan ni Lawyers for Commuters Safety and Protection Atty. Ariel Inton sa mga driver at operator ng pampublikong sasakyan na huwag nang sumali sa transport strike.

Sa Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Inton na dapat makinig ang mga ito at huwag nang ituloy ang plano dahil mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang nanawagan sa kanila.

Dagdag pa ni Inton, kahit ang senado ay nagkaroon na rin ng pagdinig sa inirereklamong PUV modernization.

Tutal naman aniya ay umamin na ang Department of Transportation na may mga kailangan talagang ayusin.

Sinabi naman ni Elvira Medina, chairperson ng National Center for Commuter Safety and Protection na nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan para sa suporta sa mga maaapektuhang pasahero.

Nagpahayag rin ng pagkadismaya si Medina sa grupong Manibela na sa kabila na mismong Pangulo na ang nakiusap sa kanila ay ayaw magpatinag ng mga ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden