Libo-libong wheelchair, ipinamahagi kasabay ng International Day of PWDs

Libo-libong wheelchair, ipinamahagi kasabay ng International Day of PWDs

December 5, 2022 @ 6:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ikinasa ng Alagang AKAY, isang PWD-oriented na non-government organization kasama ng Sol Aragones Foundation ang isang libong wheelchair para sa mga PWD at kanilang pamilya sa magkasunod na mga selebrasyon nitong Linggo, Disyembre 4 sa lungsod ng Sta Rosa, Laguna.

Ang mga programa ay kaugnay ng Global Commemoration ng International Day of Persons with Disabilities na itinakda ng United Nations General Assembly noong 1992 upang ipagdiwang ito tuwing ika-3 ng Disyembre ng bawat taon.

Inilunsad ang inisyatibong ito ng Alagang AKAY kasama ang Alagang Sol ni dating news reporter at Media personality Sol Aragones na naglingkod din ng tatlong termino bilang kinatawan ng 3rd District ng Laguna.

“Napakahalaga ng araw na ito para sa mga PWD at kanilang mga pamilya na bahagi ng Alagang AKAY Community , nais ng AKAY Foundation na tuparin ang pangarap ng mga PWD na magkaroon ng wheelchair at saklay sa abot ng aming makakaya,” ani Aragones.

“Gusto din namin sila bigyan ng inspirasyon na piliin na maging masaya kaysa malungkot, may pag-asang naghihintay sa PWD. Aakayin namin sila,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, ang selebrasyon sa Laguna at Quezon ay pinangunahan din ni AKAY Ambassador na si Dwight Bayona, isang leg-amputee at isang multi -sport athlete maging si ” Chef with no Hands” Maricel Apatan.

“Ang Alagang AKAY ay itinatag at pinamunuan ng mga PWD na may mission upang iangat ang kalidad ng buhay at itaguyod ang dignidad ng mga PWD at kanilang mga pamilya, isinusulong namin ang isang malawak o holistic na approach dito kasama ang edukasyon, kalinga, kabuhayan maging ang pagkakaroon ng oportunidad para sa community service,” ani Bayona.

Nadurog ang paa ni Bayona noong apat na taong gulang pa lamang ito matapos na maaksidente samantalang ipinakita naman ni Maricel Apatan ang kanyang cooking skills sa isang AVP na ipinalabas sa programa. Ellen Apostol