Libong indibidwal sa Aurora, Bulacan inilikas sa ulan, baha

Libong indibidwal sa Aurora, Bulacan inilikas sa ulan, baha

January 8, 2023 @ 11:48 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Apektado ng masamang panahon at pagbaha ang mahigit 13,000 indibidwal sa mga lalawigan ng Aurora at Bulacan nitong mga nakaraang araw, base sa lokal na awtoridad nitong Sabado.

Sa isang post sa social media pasado alas-3 ng hapon, iniulat ng pamahalaang panlalawigan ng Aurora na 2,501 pamilya o 10,353 indibidwal mula sa 32 barangay ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan.

Karamihan sa mga lumikas na pamilya ay mula sa mga bayan ng Baler at Dingalan sa 1,048 at 1,000, ayon sa local disaster response officials.

Inihayag ng mga awtoridad na humupa na ang tubig sa mga naunang naiulat na mga lugar na binaha, ngunit hindi pa rin madaanan ang Diteki Detour Road at Dilasag-Dinapigue Road dahil sa landslide debris.

Samantala, hanggang alas-12 ng tanghali nitong Sabado, iniulat ng mga opisyal ng Bulacan na may kabuuang 780 pamilya o 3,162 indibidwal ang lumikas mula sa 22 barangay.

Sinabi rin ng mga opisyal ng provincial disaster response na binaha ang ilang lugar sa Calumpit noong Sabado ng tanghali.

Ayon sa ulat, karamihan sa mga lumikas na residente ay mula sa bayan ng Norzagaray.

Sa Facebook post pasado alas-3 ng hapon, sinabi ng Norzagaray Municipal Public Information na 501 pamilya o 2,153 katao ang naapektuhan sa pagtaas ng mga ilog dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam.

Nagdulot ng walang hupang pag-ulan ang low pressure area at northeast monsoon o amihan nitong mga nakaraang araw at nakaapekto sa lebel ng tubig ng mga dam.

Hanggang alas-8 ng umaga nitong Sabado, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa 214.82 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam at unti-unti nang bumababa. Nagpalabas ang dam ng 1,236 cubic meters ng tubig, idinagdag nito.

Nnasa 101.04 metro ang lebel ng tubig ng Ipo Dam, na matatagpuan din sa bayan ng Norzagaray. Naglabas ang dam ng 1,227.30 cubic meters ng tubig.

Sinabi ng National Irrigation Administration Region 3 nitong Biyernes ng gabi na nasa 17.27 metro ang taas ng Bustos Dam at binuksan ang tatlong sluice gate nito.

Pinayuhan naman ng state weather bureau ang mga residente at lokal na opisyal malapit sa namamagang Ilog Angat na magkasa ng kaukulang aksyon, partikular ang mga nasa Norzagaray, Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong, at Hagonoy. RNT/SA