Libreng anti-rabies vax sa Makati umarangkada na

Libreng anti-rabies vax sa Makati umarangkada na

January 25, 2023 @ 12:39 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagbibigay ng libreng bakuna ng anti-rabies para sa mga alagang hayop upang mabawasan kundi man maiwasan ang mga kaso ng rabies sa lungsod.

Sa ipinaskil sa Facebook page ay sinabi ng lokal na pamahalaan na ang mga empleyado ng Makati Veterinary Services Department (MVS) ay magsasagawa ng house-to-house anti-rabies vaccination ng mga alagang hayop ng mga residente na naninirahan sa Barangay Rizal at Barangay Pio del Pilar na sinimulan nitong Enero 24 hanggang Enero 31 mula alas 8:30 ng umaga hanggang alas 3:00 lamang ng hapon.

Hinikayat naman ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga Makatizen na nag-aalaga ng kanilang hayop na samantalahin ang programang libreng baksinasyon sa lungsod hindi lamang para mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga alaga kundi pati na rin mapagkalooban ng portkesyon ang komunidad laban sa nakamamatay na virus.

Ayon kay Binay, ang rabies ay viral disease na nagbibigay ng inflammation sa utak ng isang indibidwal at iba pang mammal kung saan ang maagang simtomas ay ang pagkakaroon ng lagnat at pangangati ng sugat na nakagat ng hayop.

Kabilang din sa mga simtomas nito ay ang nausea, pagsusuka, bayolenteng kilos, hindi makontrol na excitement, takot sa tubig, hindi magalawa na bahagi ng katawan, pagkalito, at pagkawala ng ulirat na kung anuman sa mga nabanggit na simtomas ay magreresulta ng kamatayan.

Matatandaan na nauna nang nanawagan si Binay sa Makatizens na iparehistro ang kanlang mga alagang hayop sa city veterinary office upang magkaroon sila ng record gayundin ng status ng bkasinasyon ng kanilang mga alaga.

Matatandan na nitong nakaraang Oktubre 2017, ang Makati ay ang kauna-unahang local government unit (LGU) sa Southeast Asia na magpatupad ng pet registration microchipping sa buong lungsod.

Ang microchip ay mayroong 15-digit code na mababasa ng kung saan kapag ipinasok ang code is entered sa database ay makikita kung sino ang may-ari ng alagang hayop pati na rin ang vaccination record ng kanilang mga alaga.

Bukod pa sa pagkakaroon ng pagkakakilanlan ng mga alagang hayop at kanilang mga amo, ang naturang programa ay makatutulong din sa mga nag-aalaga pati na rin sa mga nakagat ng mga hayop na makaiwas sa paulit-ulit at hindi na kinakailangang baksinasyon para sa rabies. James I. Catapusan