Libreng check-up, lab tests sa lahat, sagot ng Universal Health Care Bill – Angara

Libreng check-up, lab tests sa lahat, sagot ng Universal Health Care Bill – Angara

August 1, 2018 @ 11:36 AM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Wala nang “mabubutas na bulsa” sa pangkaraniwang Filipino sakaling maisabatas ang Universal Health Care Bill dahil libre na ang pagpapa-check-up, laboratory test at gamut sa panukala, ayon kay Senador Sonny Angara.

Sa pahayag, sinabi ni Angara na kanyang isinusulong  na maisabatas ang Senate Bill No. 1896 o Universal Health Care Act upang awtomatikong sakupin ng  National Health Insurance Program ang lahat ng Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal tulad ng preventive, promotive, curative, rehabilitative at pallative health services.

“May pagkakataon na tayong magpatupad ng pagbabago sa PhilHealth tulad ng pagpapalawak sa kanyang coverage. Sa pamamagitan ng mga repormang ito, mas maiaayos natin ang lahat ng serbisyo ng ahensya at ang kanilang pagkakaloob ng benepisyo sa bawat pamilyang Pilipino. Sa panukalang ito matutupad ang ating adhikaing maging libre ang pagpapa-check-up,” ani Angara, isa sa mga awtor ng nasabing panukala.

Ayon kay Angara, kung may kakayahan ang bawat Pilipino na makapagpasuri sa doktor, tiyak na maiiwasan kung anuman ang karamdamang maaaring nagpapahirap sa kalusugan ng mga ito. Gayunman, malimit na ang nagiging hadlang, ani Angara sa pagpapahalaga sa kalusugan ng isang tao ay ang mga posibleng gastusin sa pagpapa-doktor.

“Kadalasan, ipinagpapaliban ng mga Pilipino ang pagpapa-check-up dahil iniisip nila ang gastusin. Magpapatingin lamang sila kapag malala na ang kanilang sakit. Anim sa sampung Pilipino ang namamatay nang hindi nasisilip ng doktor,” ayon pa sa senador.

Nakasaad pa rin sa panukala na pangangasiwaan ng PhilHealth ang lahat ng healthcare services, gayundin ang mga pondong nakalaan sa mga medical assistance mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng PCSO, Pagcor at DOH.

Sakaling maaprubahan, maiiwasan na ang matinding paggastos ng mga pasyente at ng pamilya nito sa kanyang mga pangangailangang pangakalusugan. Lumalabas kasi sa datos ng DOH noong 2016 na mahigit 50 porsyento ng healthcare spending ay mula sa sariling bulsa ng nagpapagamot o ng pamilya nito.

“Kaya’t kapag naging single national purchaser ang Philhealth, mas malaki na ang puhunan nito, at mas malaki ang kanyang kakayanan para saluhin ang mga gastusing medikal ng pamilyang Pilipino. Sa pamamagitan ng Universal Health Care bill, wala nang Pilipinong magigipit kapag nagkasakit,” ayon pa kay Angara.  Ernie Reyes