Libreng chest x-ray handog ng Pasay LGU

Libreng chest x-ray handog ng Pasay LGU

March 14, 2023 @ 9:31 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Magbibigay ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng libreng serbisyo ng chest x-ray sa lahat ng health centers sa lungsod kaugnay sa selebrasyon ng World Tuberculosis (TB) Day sa darating na Biyernes, Marso 24.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na nag-aalok ang City Health Office (CHO) ng libreng chest x-ray sa mga residente na nasa edad 15-taong-gulang pataas upang masugpo ang pagkalat ng TB sa lungsod.

Target ng CHO na makapagsilbi ng 200 pasyente kada araw na ginaganap mula alas-8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.

Kahapon, Marso 13, ay pinagsilbihan ng CHO team ang mga residente ng Barangay 136 sa San Roque Health Center at San Pablo Health Center naman sa Barangay 180.

Nakatakda namang magsagawa ng libreng serbisyo ng chest x-ray ang CHO team sa darating na Marso 15 na gaganapin sa Kalayaan Health Center sa Kalayaan Covered Court at sa Dona Martha Health Center na nasasakupan ng Barangay 154 habang kinabukasan naman (Marso 16) ay nakatakda namang ipagpatuloy ang pagseserbisyo ng libreng chest x-ray sa San Isidro Health Center ng Barangay 54 gayundin sa Villamor Airbase Health Center ng Barangay 183.

Ayon pa kay Calixto-Rubiano, matatandaan na nauna nang nakapagsagawa ang lokal na pamahalaan ng libreng serbisyo ng chest x-ray sa Dona Nena Health Center at Dr. Elvira M. Lagrosa Health Center nitong nakaraang Marso 7 habang nito lamang nakaraang Marso 9 ay napagsilbihan na rin ang mga residente ng dalawang barangay ng Barangay 38 at 39 sa Leveriza Health Center pati na rin sa Malibay Health Center sa Malibay Plaza.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na sa mga nagnanais na makakuha ng libreng serbisyo ng chest x-ray ay makipag-ugnayan lamang sa health centers na malapit sa kani-kanilang mga lugar. James I. Catapusan