Libreng COVID-19 home care kits, sinusugan ni Bong Go

Libreng COVID-19 home care kits, sinusugan ni Bong Go

January 17, 2022 @ 2:11 PM 7 months ago


Manila, Philippines – SINUSUGAN ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang inisyatiba ng Department of Health at mga partner na organisasyon nito ang paglulunsad ng “Basic Kalinga Kit” para sa mga pasyente ng COVID-19.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, natapos na ng ahensya ang pag-aayos ng nasa 35,000 COVID-19 care kits na naglalaman ng 20 pirasong mask, isang bote ng sanitizer, sabon at mga gamot. Katuwang nito ang World Health Organization at Procter & Gamble Company.

“Salamat po sa Department of Health at sa pribadong sektor dahil napakalaking bagay po talaga itong naging inisyatibo ng DOH lalo na para sa mga kababayan nating tinamaan ng sakit na COVID-19,” pahayag ni Go.

“Isa lang po ito sa mga hakbang upang mapalakas pa ang ating COVID-19 response at hindi bumagsak ang ating healthcare system. Sa paraan na ito ay marami pa tayong kababayan na matutulungan lalo na po ‘yung mga mahihirap,” aniya.

Sinabi ni Go na sa pagtutulungan ng pribadong sektor at ng gobyerno, malayo ang ating mararating tungo sa pagkakaroon ng mas ligtas na komunidad lalo na ngayong may pandemya.

Patuloy na binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagpapalakas ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa lalo na sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa mga bagong variant.

Muli rin niyang iginiit na patuloy niyang ipapaabot ang kanyang suporta sa naturang mga pagsisikap upang matiyak na mas maraming Pilipino ang mapoprotektahan at mabibigyan ng kinakailangang suporta sa panahon ng mga emergency sa kalusugan ng publiko.

“Bilang tagapangulo ng Committee on Health, sisiguraduhin kong mayroon tayong sapat na pondo upang mapabuti ang ating pagtugon sa COVID-19 at tulungan ang ating mga pagsisikap sa pagbangon,” sabi ni Go.

Samantala, muling umapela ang senador para sa pagpasa ng kanyang kambal na panukalang batas na naglalayong palakasin ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa banta ng mga nakahahawang sakit. Isa sa mga hakbang na ito ay ang Senate Bill No. 2158 na nagtatatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).

Kung maipapasa, ang CDC ang magiging nangungunang ahensya para sa pagbuo ng mga hakbangin sa pagkontrol at pag-iwas sa nakakahawang sakit. Tutukan din nito ang pagkontrol sa pagkalat ng mga nakakahawang sakit sa Pilipinas.

Naghain din si Go ng SBN 2155 na naglalayong lumikha ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP). Ang pasilidad ang magiging pangunahing laboratoryo para sa pagsasaliksik sa virology at mga pagsisiyasat sa laboratoryo gayundin ang nangungunang teknikal na tagapag-ugnay ng buong bansang network ng mga laboratoryo ng virology.###