Libreng dialysis sa P’que aarangkada sa Hunyo

Libreng dialysis sa P’que aarangkada sa Hunyo

April 21, 2022 @ 10:53 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinimulan na ang konstruksyon ng dialysis treatment center noong Marso 1 at nakatakdang matapos ang pagtatayo nito ng Mayo 15.

Ang dialysis treatment center ay kasalukuyang itinatayo sa unang palapag ng Ospital ng Paranaque (OSPAR 1) kung saan magsisimula ang pagbibigay ng serbisyo nito sa darating na Hunyo.

Matapos makumpleto ang konstruksyon ng dialysis center sa OSPAR 1 ay sinabi ng lokal na pamahalaan na agad ring sisimulan ang pagtatayo ng isa pang dialysis center na matatagpuan naman sa ikalawang palapag ng OSPAR-2.

Sinabi ni OSPAR 1 & 2 medical director Dr. Jefferson Pagsisihan, ang konstruksyon ng dialysis centers sa mga nabanggit na ospital ay naisakatuparan dahil sa joint venture agreement na niladaan ng lokal na pamahalaan at ng Premier 101 Health Care Management Inc.

Ayon kay Pagsisihan, ang Premier 101 Management Health Care Management Inc. ang sumagot sa mga gastusin sa pagtatayo ng dalawang dialysis center.

Sinabi rin ni Pagsisihan na ang health care management ang siya namang magkakaloob ng mga makina kabilang ang mga supplies na kinakailangan para sa pagsasagawa ng dialysis treatment.

Dagdag pa ni Pagsisihan na libre ang pagbibigay ng serbisyo ng dialysis center hindi lang sa mga residente ng lungsod kundi pati na rin sa mga pasyente na hindi nakatira sa lungsod.

Ang mga gastusin sa pagbibigay serbisyo ng dialusis treatment ay sasagutin ng Philhealth, Malasakit Center, Department of Health (DOH) medical assistance program at ng lokal na pamahalaan.

Bukod sa pagtatayo ng dialysis center ay nakapaglagay na din ng pharmacy, X-ray laboratory, ultrasound at CT-scan machines sa dalawang ospital ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang Disyembre upang mapagkalooban pa ng mas mainam na serbisyong pangkalusugan ang mga residente ng lungsod. James I. Catapusan