MAY magandang regalo si President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa mga paaralan at komunidad na nasa mga malalayong lugar o iyong tinatawag ngayong GIDA o geographically isolated and disadvantaged areas dahil nitong December 24 ay pormal na inilunsad ang BBMP o ang BroadBand ng Masa Program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Dito sinabi ni Pangulong BBM ang kanyang direktiba sa DICT at kanyang pangako na magkaroon ng free internet service sa lahat ng mga kinukonsiderang GIDA sa buong bansa sa lalong madaling panahon.
Kapwa naniniwala ang Pangulo at ang DICT na malaki ang magagawa ng BBMP para magkaroon ng “direct connection” ang taon bayan sa pamahalaan at direktang maipaabot ang mga serbisyo.
Isa sa mga programang pinakinabangan ng mga mamamayan mula pa sa nagdaang Duterte administration at ipinagpapatuloy sa kasalukuyang Marcos administration ang “Free Wifi for All Program” kung saan 628 ang naidagdag sa loob ng anim na buwan sa 4,129 na wifi sites o kabuuang 4,757 sa buong bansa.
Nasa 100,000 pamilya ang nakikinabang sa free internet service ng pamahalaan o katumbas ng 2.1 milyong indibidwal ayon sa DICT.
Isa sa pinatututukan ng Pangulong BBM sa kanyang economic managers ang pagpapalakas at pagpapabilis ng internet speed sa bansa na kasalukuyang nasa 22.54 mbps pa lamang. Malayu-layo pa tayo mula sa global median speed na 33.17 mbps kaya naman nasa 85th rank tayo sa 139 na mga bansa sa buong mundo.
Tama naman ang Pangulo, kung nais natin na makapag-imbita ng mga dayuhang mamumuhunan sa ating bansa, kailangan ang malakas na internet lalo pa’t karamihan ng mga pagpupulong ngayon ng mga multi-national companies ay online na. #