Libreng law school kapalit ng 2 taong serbisyo sa gobyerno, alok ni Duterte

Libreng law school kapalit ng 2 taong serbisyo sa gobyerno, alok ni Duterte

March 16, 2023 @ 12:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Isang panukalang batas na mag-eenganyo sa mga estudyante na mag-aral ng abogasya ang isinusulong ni Davao Rep. Paolo Duterte.

Sa ilalim ng House Bill 7433 na inakda ni Duterte ay bibigyan ng libreng edukasyon ang “aspiring lawyers” sa state universities at colleges (SUCs) subalit kapalit ng libreng edukasyon ay kailangan nitong magtrabaho sa gobyerno sa oras na makapasa na sa bar exams.

Sinabi ni Duterte, ang nasabing hakbang ay isang paraan para matugunan ang malaking kakulangan ng practicing lawyers sa bansa.

Sa datos ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ay nasa 40,000 ang abogado sa bansa at base sa Foundation for Economic Freedom (FEF) lumalabas na ang ratio ay 2,500 Filipinos sa bawat isang Pinoy, lubha itong mababa kumpara sa Estados Unidos na isang abogado sa bawat 240 citizens nito.

Karamihan din sa mga abogado sa bansa ay nasa law firm, corporations, private business, academe at pulitika.

Sa ilalim ng panukala ang lahat ng SUCs na nag-aalok ng law program ay kuwalipikado na magbigay ng free legal education gayunpaman nilinaw ni Duterte na dapat bumuo ng mekanismo ang SUC na ang mga estudyante na walang financial capacity ang syang makakapag-avail ng libreng tuition fees.

Ang medical at legal education ay hindi sakop ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) na nagtatakda ng free tuition sa SUCs at local universities and colleges (LUCs).

Sinabi ni Duterte na sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan Act (RA 11509) ay nagbibigay na ng libreng Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program para sa mga medical students subalit wala pa namang batas para sa mga nagnanais na mag-abogado.

“Our proposal, which is consistent with programs that advocate public service to graduates, includes a mandatory two-year return service program for scholars after passing their bar exams, in a bid to encourage more lawyers to serve in Government,” paliwanag ni Duterte.

Sa oras na maisabatas ang HB 7433 o Free Legal Education Program nakatakda dito na dapat nakaenrol ng mga estudyante na gustong mag-avail nito, kailangan din na full load ang kanilang semester at dapat matapos ang kurso sa prescribed time frame, bagama’t maaaring maghain ng leave of absence na dapat ay may balidong rason.

Kailangan din na kumuha agad ng bar examination isang taon mula nang matapos ang Juris Doctor degree.

Maliban sa libreng tuition fee, sakop din ng panukala ang pagbibigay ng libreng registration fees, bar exam at licensure fees; library fees at gastusin sa mga kinakailangang libro.

“Within four years of passing the bar exams and conferment of a license to practice law, the scholar should render a mandatory two-year return service to the government in the Public Attorney’s Office (PAO) or any government agency lacking lawyers. The scholar shall receive the appropriate salaries and other benefits for rendering the mandatory return service,” nakasaad sa panukala.

Sinabi ni Duterte na kung hindi magbibigay ng serbisyo ang estudyante matapos maging ganap nang abogado ay babayaran nito ang gobyerno.

“Beneficiaries who fail to fulfill the scholarship requirements or refuse to comply with the mandatory return service obligation shall be required to reimburse the government the full cost of the scholarship, including other benefits and expenses,” pagtatapos pa ni Duterte. Gail Mendoza