Libreng legal aid clinic bubuksan ng PH Embassy sa Singapore

Libreng legal aid clinic bubuksan ng PH Embassy sa Singapore

January 9, 2023 @ 9:06 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Makatatanggap ng libreng legal na payo ang mga Filipino sa Singapore mula sa mga kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa susunod na linggo, inihayag ng Philippine Embassy sa Singapore nitong weekend.

Sa isang abiso, sinabi ng embahada na bukas ang legal aid clinic mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa susunod na Linggo, Enero 15, sa opisina nito sa Devonshire Wing ng 16th Floor sa TripleOne Somerset Building.

Ibibigay ng mga kinatawan ng IBP Quezon City Chapter ang legal na tulong, na sumasaklaw sa mga batas sibil at kriminal ng Pilipinas.

“Sa legal aid clinic, magbibigay ng libreng legal na payo ang ating mga abogado mula sa IBP. Tutugon din sila sa ilang katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa batas sa Pilipinas,” pahayag ng embahada.

Dapat magparehistro ng mga nais mag-avail sa pamamagitan ng mga link o ng QR codes na ibinigay ng embahada sa opisyal nitong Facebook page. Pinapayagan din ang walk-in, at tatanggapin ito sa first come first served basis.

Ayon sa embahada, tinatayang 200,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Singapore, kung saan humigit-kumulang 60% sa kanila ay mga propesyonal at skilled workers. RNT/SA