Libreng lotto tickets ibinahagi ng PCSO sa kababaihan

Libreng lotto tickets ibinahagi ng PCSO sa kababaihan

March 12, 2023 @ 1:48 PM 2 weeks ago


BILANG bahagi sa pagdiriwang ng National Women’s Month (NWM) ngayong Marso, namigay ng libreng Super Lotto 6/49 ticket ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa 130 Filipino women lotto players.

Inilunsad noong Marso 8, ang promo na “Super Ticket Para Kay Super Pinay” ay kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day.

Sa ilalim ng promo, ang unang 100 babaeng manlalaro ng lotto mula sa pangkalahatang publiko na bumili ng bawat isa ng lotto ticket na may minimum na halaga na P10.00 ay binigyan ng tig-isang libreng Super Lotto 6/49 na tiket na nagkakahalaga ng P100.00.

Samantala, ang 30 babaeng patron ng lotto na bawat isa ay bumili ng lotto ticket na nagkakahalaga ng P10.00 sa alinmang lotto terminal na matatagpuan sa lahat ng sangay ng PCSO sa buong bansa ay nabigyan din ng bawat isa ng libreng Super Lotto 6/49 ticket na nagkakahalaga ng P100.00.

“Ang PCSO ay nakikiisa sa pagdiriwang ng 2023 National Women’s Month. Nagpapasalamat ang PCSO sa lahat ng mga kahanga-hangang Pinay na lumahok sa promo. Ito ay isang parangal sa ating mga magigiting na mga kababaihan,” ani PCSO Chairperson Junie E. Cua.

Nabatid na sinimulan ng PCSO ang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan noong Marso 6 kasama si Senator Nancy Binay bilang panauhing pandangal sa Flag Ceremony nito.

Si Binay na kilala bilang “Nanay de Pamilya” ng Senado ay isa sa mga may-akda ng Republic Act 11210, o ang Expanded Maternity Leave Law, na pinalawak ang pinapayagang maternity leave sa 105 araw, mula sa orihinal na 60 araw, na may karagdagang 30 araw na bakasyon na may bayad kung kinakailangan.

“Hayaan nyo akong i-congratulate ang hanay ng magaganda’t dakilang kababaihan dito sa PCSO na siyang kaagapay sa pagtataguyod ng mandato ng ahensiya na paglingkuran ang ating mga kababayang nangangailangan. Happy Women’s Month po sa ating lahat,” ani Binay.

Samantala, sinabi ni Cua na magsasagawa ang PCSO ng iba pang aktibidad para sa pagpaparangal sa kababaihang Pilipino sa pagdiriwang ng National Women’s Month.

“Makakaasa po kayo na patuloy na susuportahan ng PCSO ang mga programa para sa kapakanan ng kababaihan. Kaugnay nito, patuloy po nating pinag-aaralan kung ano pa ang magagawa natin para isulong ang isang mas inklusibong lipunan,” ani Cua.

“Ito rin po ay bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglunsad ng mga paraan para mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng opisyal. RNT