Libreng ‘Maid in Malacanang’ tickets ipinakalat-Kabataan Partylist

Libreng ‘Maid in Malacanang’ tickets ipinakalat-Kabataan Partylist

August 5, 2022 @ 8:46 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Kabataan Partylist na manufactured lamang ang nakikitang suporta ng publiko para sa pelikulang ‘Maid in Malacanang’ dahil pinanood lamang ito dahil sa libreng movie ticket.

Inihayag ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel base sa kanilang nakukuhang impormasyon bulto-bulto ang pagbili ng movie ticket para lamang ipamigay sa publiko para panoorin ang kontrobersyal na pelikula ukol sa pamilya Marcos.

“Dagdag ko na lang din po, may mga na-disclose din naman na na tinawagan daw sila ni Senator Imee Marcos para bumili ng tickets, pakyawin yung tickets para ma-ensure yung sales. Tapos ipapamahagi para may manood” pahayag ni Manuel.

“Kaya ang konklusyon po natin dyan, ang suporta para sa movie na ito, yung Maid in Malacañang, eh parang suporta para sa kanilang pamilya. Ito po ay manufactured, nabibili, at batay sa kasinungalingan” dagdag pa ng mambabatas na nagsabing wala siyang planong panoorin ang pelikula na ang layunin ay i-pollute ang isipin ng mga kabataan.

Gayundin ang pahayag nina ACT Teachers Partylist Rep France Castro at Gabriela Partylist Rep Arlene Brosas na nagsabing wala din silang interes na panoorin ito.

“Of course, alam natin yung mga nag-circulate na news about it na yung mga Carmelite sisters na mismo ay nagsabi na this is a distortion of history. We do not want our next generation na mabuhay or tangkilikin yung mga pelikula na alam natin na hindi talaga makakatulong para sa kanilang further education” pahayag ni Brosas.

Sinabi ni Castro na kung for the sake of art kaya ginawa ang pelikula ay malinaw naman na hindi ito naglalaman ng katotohanan kaya wala itong panahon para panoorin ito.

“Alam naman natin for art’s sake ay meron din itong semblance sa katotohanan at marami rin akong nabasa na review, reaksyon ng mga talagang biktima rin ng Martial Law ng panahon na yon at negative talaga yung naging reaction. So doon palang makikita na natin na hindi talaga makatotohanan at pagsira o distortion sa history natin ito” paliwanag naman ni Castro.

Ang nasabing pelikula ay sa direksyon ni Darryl Yap at nagsasalaysay ito ng huling 72 oras ng pamilya Marcos sa Malacanang bago ang 1986 EDSA Revolution. Gail Mendoza