Libreng medical check-up sa lahat ng Pilipino, isinulong ni Bong Go

Libreng medical check-up sa lahat ng Pilipino, isinulong ni Bong Go

July 7, 2022 @ 3:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Matapos maging eye-opener ang pandemya ng COVID-19 nang mahirapan ang Pilipinong may mababang kita na makakuha ng kahit basic na preventive healthcare, inihain ni Senator Christopher “Bong” Go, pinuno ng Senate committee on health and demography, ang Senate Bill na kilala rin bilang “Libreng Annual Medical Check-Up Bill” noong Lunes.

Sa ilalim ng panukala, ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay magtatatag at magpapatupad ng Libreng Taunang Medical Check-Up na programa sa lahat ng Pilipino na miyembro nito na ipinag-uutos sa ilalim ng Republic Act No. 11223 o ang Universal Health Care Act. Kabibilangan ito ng screening, laboratory, diagnostic tests at konsultasyon nang walang bayad.

Ang nasabing panukalang batas ay mag-aatas din sa PhilHealth na magpatupad ng komprehensibong outpatient benefit package. Tutukuyin ng PhilHealth ang mga laboratoryo at diagnostic test na isasama sa Libreng Taunang Medical Check-Up batay sa kasalukuyan at umuusbong na pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino.

“Dahil kulang sa pera, maraming mga kababayan natin ang takot magpatingin sa doktor. Imbes na ibayad sa pagpapakonsulta, ibibili na lang nila ng pagkain. Kaya ang simpleng high blood pressure, minsan ay lumalala pa at nauuwi sa cardiovascular disease, kidney damage, atbp. Dahil mas seryoso ang sakit, mas magastos,” ayon kay Go.

“Sa ngayon ay kulang pa talaga ang ating resources pagdating sa ating healthcare. Noong unang pumasok ang kaso ng COVID-19 sa bansa at nagsimula ang mabilis na pagkalat nito, lalo na natin nakita kung gaano kahalaga ang pagpapalakas ng ating healthcare system,” paliwanag ng Go.

Nabanggit ng senador na ang mga regular na check-up ay makatutulong upang matukoy ang mga potensyal na alalahanin sa kalusugan bago ito lumala.

Idinagdag niya na ang maagang pagtuklas ay maaaring magbigay ng pinakamahusay na pagkakataon na makakuha ng mga paggamot at maiwasan ang karagdagang mga komplikasyon.

“Palagi po natin unahin ang ating kalusugan. Tayo pong nasa gobyerno, dapat po palagi tayong one-step ahead para sa ating mga kababayan. Huwag natin hayaan na mapuno na naman ang ating mga ospital. Mas mainam na agapan natin agad ang ating nararamdaman,” idiniin ni Go.

“Kaya naman, I’m urging my fellow lawmakers to extend their support sa pagpapasa ng libreng annual check-up. Sa panahon ngayon, preventive health care is essential kaya napakalaking bagay na ito para sa ating Pilipino. Ayaw nating umabot sa punto na lumala ‘yung sakit,” anang pa ng senador..

Bilang bahagi ng kanyang priority bills, ilang health measures din ang inihain ni Go, kabilang ang pagbibigay ng Comprehensive Dialysis Benefit Package sa lahat ng miyembro ng PhilHealth, kompensasyon at insentibo para sa mga Barangay Health Workers (BHWs), at ang pagtatayo ng Center for Disease Control and Prevention and Virology Science and Technology Institute of the Philippines. RNT