Libreng parking para sa mga PWDs sa Parañaque, ikinasa

Libreng parking para sa mga PWDs sa Parañaque, ikinasa

February 17, 2023 @ 10:40 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang mga sasakyan ng persons with disability (PWDs) ay libre at walang bayad ang pagparada sa mga komersyal na establisimyento sa lungsod.

Sinabi ni Olivarez na sisimulan na ang pagpapatupad nito matapos aprubahan ng Sangguniang Panglungsod o City Council ang ordinansa na nagbibigay ng exemptions sa PWDs ng pagbabayad ng parking fees at iba pang charges sa lahat ng komersyal na establisimyento sa buong lungsod.

Ayon kay Olivarez, kailangan lamang na magpakita ang mga PWDs at drayber kanilang PWD identification card na inisyu ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa lungsod na pinamumunuan ni Dr. Sabas De Guzman.

Nagbigay din ng babala si Olivarez sa mga establisimyento na kung sino man ang lalabag sa naturang probisyon ng ordinansa ay mabibigyan ng warning sa unang pagkakataon at pagbabayarin ng halagang nagmumula sa P1,000 hanggang P2,000 sa mga susunod pang paglabag.

Kung sakali man na makaranas ang mga PWDs ng paglabag ng mga establisimiyento ay maari nila itong i-report o dilikaya ay magsumite ng reklamo sa PDAO o sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) na pinamumunuan ni Atty. Melanie Soriano–Malaya.

Sinabi din ni Olivarez na ang pagbibigay ng prebilehiyo sa hindi pagbabayad ng parking fee sa mga establisimiyento ng mga PWDs ay bahagi ng hakbang ng lokal na pamahalaan upang maging PWD-friendly ang lungsod.

Bukod pa sa pagiging PWD-friendly ng lungsod ay dagdag pa ni Olivarez na ipagpapatuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng mga wheelchairs at crutches sa lahat ng PWDs. James I. Catapusan