Libreng sakay ng estudyante sa LRT-2 inihinto rin sa kanselasyon ng klase

Libreng sakay ng estudyante sa LRT-2 inihinto rin sa kanselasyon ng klase

August 24, 2022 @ 8:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sususpendihin ngayong araw, Agosto 24, ang libreng sakay para sa mga mag-aaral sa Light Rail Transit Line-2 (LRT-2) kasunod ng pagkansela ng mga klase, sinabi ng Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong Martes.

Sa isang advisory, sinabi ng LRTA na ang pansamantalang paghinto ng programang “Libreng Sakay” para sa mga mag-aaral ay kasunod nang kanselasyon ng klase sa Metro Manila dahil sa Severe Tropical Storm Florita.

“Libreng Sakay for students will resume on Thursday, August 25, 2022,” sabi ng LRTA.

Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang trabaho at klase ng gobyerno sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan mula Martes hanggang Miyerkules dahil sa pananalasa ng Florita, sinabi ng Office of the Press Secretary.

Ang pagsususpinde ng trabaho sa mga opisina ng gobyerno at mga klase sa mga pampublikong paaralan ay sumasaklaw sa Metro Manila, at mga kalapit na lalawigan kabilang ang Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales, at Bataan.

Ilang Metro mayors din ang naglabas ng hiwalay na anunsyo sa kanselasyon ng klase.

Nauna nang sinabi ni LRTA administrator Hernando Cabrera na tinatayang 2.2 milyong estudyante ang makikinabang sa programang “Libreng Sakay” sa LRT-2 na tatakbo mula sa pagbubukas ng klase sa Agosto 22, 2022 hanggang Nobyembre 5, 2022.

Sinabi ni Cabrera na nasa 80 unibersidad, kolehiyo, at paaralan ang nasa ruta ng LRT2 line mula Antipolo, Rizal hanggang Recto Avenue sa Maynila.

Sinabi pa ni Cabrera na ang Libreng Sakay ay iaalok sa mga estudyanteng naka-enroll sa nursery/kindergarten, elementary/primary, high school, technical-vocational, at college students araw-araw mula Lunes hanggang Sabado, maliban sa Linggo at holiday mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9:30 ng gabi. Jocelyn Tabangcura-Domenden