Libreng sakay ng LRT-2 sa stude aarangkada sa Agosto 22-Nob. 5

Libreng sakay ng LRT-2 sa stude aarangkada sa Agosto 22-Nob. 5

August 11, 2022 @ 11:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Libreng makasasakay ang mga mag-aaral sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) simula Agosto 22 hanggang Nob. 5.

Sa isang briefing ng Laging Handa nitong Miyerkoles, sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera na ang free ride program ay direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang tulungan ang mga estudyante sa kanilang pagbalik sa mga silid-aralan.

Para ma-avail ang programa, sinabi ni Cabrera na kakailanganin lamang ng mga estudyante na ipakita ang kanilang school identification (ID) o patunay ng enrollment sa LRT-2 passenger assistance center kung saan bibigyan sila ng single-journey ticket.

“After that babalik na po tayo doon sa normal na 20 percent discount para sa ating mga estudyante,” ani Cabrera.

Pinaalalahanan niya ang mga mag-aaral at iba pang riding public sa patuloy na pagpapatupad ng Covid-19 safety protocols tulad ng temperature checks, mandatoryong pagsusuot ng face mask, physical distancing, at pag-iwas sa pagkain at pagsasalita habang nasa loob ng tren.

“Sumunod din po tayo lagi doon po sa tinatawag din natin na mga security protocols. So, ini-inspect pa rin natin ang mga bag, iyong mga deadly weapon po – ang dami po naming nakukumpiska,” aniya.

Nauna rito, sinabi ng Kagawaran ng Edukasyon na magsisimula ang school year 2022-2023 sa Agosto 22 at dahan-dahang lilipat sa limang araw na in-person na klase sa Nobyembre 2. RNT