Libreng sakay posibleng ituloy ngayong taon – LTFRB

Libreng sakay posibleng ituloy ngayong taon – LTFRB

January 4, 2023 @ 6:12 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Posibleng magpatuloy ngayong taon ang libreng sakay matapos na makapaglaan ng pondo para rito sa 2023 national budget.

Ito ang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) technical division head Joel Bolano nitong Miyerkules, Enero 4 kung saan kasalukuyan na umanong gumagawa ng panuntunan para sa libreng sakay ang Department of Transportation.

“May nakalaan namang budget para rito kaya lang sa ngayon fina-finalize pa ang guidelines ng department… Pero tama kayo, baka maibalik ang free ride kaya lang kung paano ito i-implement, wala pa tayong guidelines,” ani Bolano sa public briefing.

Nauna nang sinabi ni Senador Sonny Angara na may inilaang P2.16 bilyon na pondo para sa naturang programa, bagama’t mas mababa sa P12 bilyon na hiniling ng DOTR.

Hindi pa tinukoy kung ano-anong lugar ang sakop ng libreng sakay sa limitadong budget.

“Magiging dependent ito kung saan aabutin nito (budget), kung Metro Manila lang ba o kung isasama ‘yung ibang original offices natin, probinsya,” sinabi pa ni Bolano.

“Antayin na lang natin ang guidelines na ilalabas ng ating Department of Transportation,” dagdag nito.

Matatandaan na libre ang pamasahe sa EDSA Bus Carousel mula pa noong Nobyembre 2020 bilang tulong sa mga apektadong pasahero dulot ng COVID-19 pandemic, na nagtapos naman nitong Enero 1. RNT/JGC