‘Libreng Sakay’ program inilunsad ng OVP

‘Libreng Sakay’ program inilunsad ng OVP

August 3, 2022 @ 2:38 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Inilunsad ng Office of the Vice President (OVP) nitong Miyerkules ang “Libreng Sakay” program, kung saan gagamit ng limang bus na ipinahiram ng pribadong sektor.

Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ipinahiram ang limang bus nang siya ay kumakandidato pa lamang sa Halalan 2022.

Matapos mahalal, sinabi niya na ipinahiram ang mga bus sa OVP subalit parati lamang naka-standby maliban na lamang kung may transportation requests ang iba’t ibang grupo.

“These were buses that were lent to us during the campaign and pagkatapos ng kampanya, pagkatapos ng election day, wala na silang biyahe, wala na silang ginagawa, nakaparking lang lagi,” pahayag ni Duterte sa paglulunsad ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Dito napagdesisyunan ng OVP na gamitin ang mga bus para sa “Libreng Sakay” program nito bilang dagdag-tulong sa parehong programa na kasalukuyang ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr).

“The team decided na kahit five units lang ito, mas makakatulong ito if we give support to the Libreng Sakay of the DOTr and thank you for welcoming us to your project,” aniya.

Ayon kay Duterte, dalawang bus ang gagamitin sa Metro Manila, isa sa Davao City, isa sa Cebu, at isa sa Bacolod.

Sinabi pa niya na ang “Libreng Sakay” program ng OVP ay naglalayong makatulong sa mga Pilipino sa public transportation sa pagpasok sa trabaho, paaralan, at iba pang mga lugar.

“It will support the national government’s program, and at the same time, it is hoped that this meager contribution would translate to daily savings for our public transport riding kababayans,” sabi ni Duterte.

“Napatunayan na naman natin na walang problemang hindi kayang solusyunan kung tayo ay nagkakaisa at naniniwala na sa tulong ng ating gobyerno at mga kaibigan at supporters sa pribadong sektor, malalampasan natin ang lahat ng hamon na ating kinakaharap,” dagdag niya. RNT/SA