‘Libreng Sakay’ tuloy ngayong 2023 sa P1.285B pondo – DBM

‘Libreng Sakay’ tuloy ngayong 2023 sa P1.285B pondo – DBM

January 12, 2023 @ 3:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Patuloy pa ring makaka-avail ang mga mananakay ng Libreng Sakay kabilang na iyong nasa  EDSA Busway system,  gamit ang halagang P1.285 billion na ilalagay sa Service Contracting program sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) budget ngayong taon.

Ito’y alinsunod sa Republic Act No. 11936, o Fiscal Year (FY) 2023 General Appropriations Act, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“May pondo po ang Service Contracting Program sa ating FY 2023 GAA. Naglaan po ang pamahalaan ng Php1.285 billion para maipagpatuloy ang programang ito ngayong taon,” ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman.

Ang Service Contracting program,nagbigay-daan sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay ay magbibigay ng “free bus rides” para sa publiko, kabilang na ang bus commuters sa kahabaan ng EDSA.

Kinilala naman ng Kalihim ang kahalagahan ng Libreng Sakay sa mga filipinong mananakay.

“We understand the plight of our commuting public. And so President Bongbong Marcos gave us a directive to do our part, and to exert our best to help ease their burden. The Service Contracting Program, which funds Libreng Sakay is a big help,” ayon kay Sec. Pangandaman.

“Malaking tulong po ang tipid-pasahe sa araw-araw na pamumuhay ng mga kababayan natin. Whatever amount they save daily, they can reallocate to equally or more important needs such as budget for food, electricity, tuition fee, among others,” dagdag na wika ng Kalihim.

Ang Libreng Sakay ay joint program ng  DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para tulungan ang mga mananakay sa gitna ng tumataas na  presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

“As of December 27, 2022,” nakapagtala ang LTFRB ng  kabuuang 164,966,373 pasahero na nag-avail ng Libreng Sakay program sa kahabaan ng  EDSA sa nakalipas na taon. Kris Jose