LIBRENG SERBISYONG MEDIKAL SENTRO NG KAUNA-UNAHANG BABAENG MANILA MAYOR

LIBRENG SERBISYONG MEDIKAL SENTRO NG KAUNA-UNAHANG BABAENG MANILA MAYOR

February 1, 2022 @ 10:23 AM 8 months ago


SA mga kandidatong tumatakbo sa pagka-alkalde sa Lungsod ng Maynila, lamang na lamang, hindi lang sa mga naglalabasang survey ang kauna-unahang babaeng bise alkalde na si Dra. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan kundi lamang din siya sa kaalaman sa pagsusulong at pagpapalakas ng health care system bilang isang doktora.

Sa katunayan, inihayag na niya sa ginanap na Balitaan sa Maynila na inorganisa ng Tinapayan Festival, ang kanyang mga plano para sa pagpapalakas pa lalo ng sistema ng kalusugan ng mamamayan ng lungsod sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga malalaki o “Super Health Center” sa anim na distrito ng lungsod.

Sa ganito aniyang paraan, hindi na kailangan pang magtungo sa mga pampublikong pagamutan ang mga residente ng bawa’t distrito dahil kada health center ay magkakaroon ng medical machinery and equipment tulad ng X-ray, medical laboratory, maternity home, at iba pang mga gamit na kinakailangan para sa primary health care ng mga residente sa lugar.

Aniya, sa ganitong paraan ay hindi na kailangan pang magtungo sa mga ospital ang mga nangangailangan ng pangunahing serbisyong pangkalusugan na magreresulta sa pagluwag ng mga pampublikong pagamutan na magiging daan upang mabigyan naman ng kaukulang pagtutok ng medical health workers at mga doktor ang mga pasyenteng may malalang kondisyon ng karamdaman.

Sa kasalukuyan, anim na ang mga pampublikong pagamutan na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at inaasahan na magiging pito na ito sakaling matapos na ang pagpapatayo ng isa pang malaking pampublikong pagamutan sa loob ng Baseco Compound sa Port Area ni Mayor Isko Moreno Domagoso upang hindi na dumayo pa ang mga ito sa Ospital ng Maynila o sa Gat Andres Bonifacio.

Sa kasalukuyan, minamadali na ang 10-palapag na gusali ng pinalaking Ospital ng Maynila sa isinulong na modernization program nina Mayor Isko at Vice Mayor Lacuna-Pangan na magbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mamamayan.

Sa oras na makaupo naman bilang alkalde si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, plano niyang magpatayo ng bagong Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa katabi rin lang nito tulad ng ginagawa sa Ospital ng Maynila para mapaglingkuran ang mga naninirahan sa Una at Ikalawang Distrito ng lungsod na may pinakamaraming naninirahan.

Hindi lang ang kalusugan ang tututukan ni Vice Mayor Honey Lacuna, ang posibleng maging una ring babaeng uupo bilang alkalde ng lungsod, kundi nais din niyang bigyan ng kaluwagan ang mga senior citizen sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang gusali na paglilipatan ng tanggapan ng Office of the Senior Citizen Affairs para hindi na makipagsiksikan ang mga lolo at lola ng Maynila sa Manila City Hall.

Isa ring gusali para naman sa mga palaboy sa lansangan ng Maynila ang plano niyang maipatayo na magagamit bilang “Halfway home” ng mga ito kung saan sila aarugain at kakalingain, libreng kakain ng tatlong beses sa isang araw, may paliguan at palikuran nang sa gayon ay matuto silang mangarap para sa kanilang kinabukasan.

Noon pa man kasing hepe ng Manila Social Welfare ang bise alkalde, nakita na niya ang pangangailangan ng isang gusali na magiging halfway home ng mga batang palaboy sa lansangan upang hindi na nila maranasan pang ulanin at arawin sa lansangan at matulog sa mga bangketa. Ang paglikha rin ng trabaho para sa Manilenyo ang target ng bise alkalde at isa ang mga ipatatayo niyang proyekto ang makatutulong para lumikha ng trabaho.

Tiniyak naman ni Lacuna na bukod sa kanyang ipinahayag na mga plano ay ipagpapatuloy nito ang lahat ng programa at proyekto na kanilang sinimulan ni Yorme Isko partikular na ang kanilang napagkasunduan na 10 year plan sa lungsod ng Maynila at ang social amelioration program.