Libreng sine para sa seniors, ibabalik ng P’que LGU sa Pebrero 7

Libreng sine para sa seniors, ibabalik ng P’que LGU sa Pebrero 7

February 3, 2023 @ 10:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Parañaque na muling ibinabalik sa lungsod ang libreng panonood ng mga palabas sa sinehan ang mga senior citizens simula Pebrero 7 matapos itong suspindihin ng halos tatlong taon dahil sa pandemya na idinulot ng COVID-19.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na ang libreng panonood ng sine ng mga senior citizens ay ibbinabalik matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga opisyales ng SM City Malls at ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) officer-in charge Leolinda V. Alcantara nitong nakaraang Enero 31.

Ayon kay Olivarez, ang mga senior citizens ng lungsod ay maaari nang muling makapanoon ng kanilang mga paboritong palabas sa mga sinehan ng SM City Bicutan, SM City BF, SM City Sucat at Ayala Malls Manila Bay tuwing araw ng Lunes at Martes lamang.

Isa sa mga agenda ni Olivarez ang libreng panonood ng sine para sa mga seniors ng lungsod kung saan pagkakalooban din ng benepisyo ang isang centenarian kapag umabot na ito sa edad na 85 pataas.

Bukod pa sa mga nabanggit na benepisyo ay nakatatanggap din ang mga senior citizens sa lokal na pamahalaan ng birthday at Christmas cash gifts na nagkakahalaga ng P500 gayundin ang pagbibigay ng libreng laboratory examinations sa Ospital ng Parañaque I (OSPAR-I). James I. Catapusan