Libreng solar charging stations para sa e-bike, e-scooter, inilunsad ng MMDA

Libreng solar charging stations para sa e-bike, e-scooter, inilunsad ng MMDA

June 22, 2022 @ 5:33 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Bubuksan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko ang free solar charging station nito para sa mga electric bikes at electric scooters.

Ayon sa MMDA, simula sa Hunyo 27 ay magagamit na nang libre ang kanilang solar charging station na matatagpuan sa bagong gusali nito sa Barangay Ugong, Pasig City, simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.

Larawan kuha ni Danny Querubin

Sabi ni MMDA chairperson Romando Artes, ang proyektong ito na inilunsad noong Lunes ay makakatulong sa pasanin ng publiko mula sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

“Putting up free charging stations for electronic vehicles such as e-bikes and e-scooters would encourage the public to use alternative mode of transportation and at the same time help them save expenses from high fuel cost,” aniya.

Plano rin ni Artes na magtayo ng mga kahalintulad na charging station sa headquarters nila sa Orense, Makati City, para ma-accommodate ang mga dumaraan sa EDSA.

Kinakailangan lamang magdala ng mga gagamit nito ng sarili nilang charging cords at cables.

Tinatayang tatagal ng anim hanggang walong oras ang pag-charge sa e-bike depende sa baterya nito. RNT/ JCM