Libreng-transpo, accommodation sa OFWs suspendido simula Hunyo

Libreng-transpo, accommodation sa OFWs suspendido simula Hunyo

May 26, 2022 @ 8:55 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pansamantalang ititigil ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang transportation at accommodation assistance program sa mga returning overseas Filipino workers (OFWs) mula Hunyo 1. Bunsod ito ng protocol ukol sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.

“In light of the IATF pronouncement placing the National Capital Region and other areas in the country on Alert Level 1 status, services, and industries including public transportation are in full operating capacity,” ani OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.

“Hence, transportation assistance for returning OFWs shall be suspended effective June 1, 2022,” giit pa ng opisyal.

Maging ang OWWA-chartered buses sa Parañaque Integrated Terminal Exchange at OWWA-sweeper flights sa NAIA Terminal II ay tigil-operasyon na rin mula Hunyo.

Samantala, nilinaw ni Cacdac na hindi kasama rito ang mga distressed OFW na sertipikado ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO) o dumaam sa authorized OWWA airport officers; maging ang mga Pinoy na uuwi sa bansa sa pamamagitan ng government-initiated mass repatriation flights o OFWs provided airfare ng POLOs sa mga commercial flight.

Tuloy pa rin ang pag-asiste ng gobyerno sa partially vaccinated o unvaccinated OFWs na kailangang sumailalim sa mandatory facility-based quarantine pero hindi na sasagutin ng OWWA ang kanilang transportasyon pabalik sa kanilang lalawigan.

Ang mga Pinoy na mangangailangan ng tulong ay pinayuhang makipag-ugnayan sa OWWA sa pamamagitan ng hotline o Repatriation Assistance Division sa (02) 88917601 local 5213 o sa email address: [email protected] RNT