Libu-libong tao dumagsa sa aktibidad ng INC

Libu-libong tao dumagsa sa aktibidad ng INC

July 15, 2018 @ 1:33 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Tuloy-tuloy  ang pagdagsa ng mga tao sa Quirino Grandstand sa ika-104 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo (INC).

 

Ayon sa Ground Commander na si P/Supt. Igmedio B.Bernaldez, umabot na sa 30,000 ang dumagsa sa Luneta ngayong alas 11 pa lamang ng umaga at inaasahan pa itong tataas pagsapit ng tanghali hanggang hapon.

 

May kanya-kanya puwesto naman ng kubol o tent ang mga medical team para sa medical mission kung saan may mga pabunot ng ngipin, check-up kasama na ang blood typing, blood count, EGC, ultrasound ,x-ray,  eye check up, 2D Echo at iba pa na ipinagkakaloob na libre sa publiko.

 

Habang nagpapatuloy ang medical mission ay kasalukuyan ding nagsasagawa ng konsyerto upang hindi mainip ang mga taong matiyagang naghihintay sa kani-kanilang mga pila habang hindi iniinda o alintana ang makapal na putik na dulot ng pag-ulan.

 

May mga gamot at bitamina ding ipinamamahagi ang INC sa kanilang “Lingap laban sa Kahirapan” .

 

Nabatid na sa nasabing aktibidad, nasa 486 police personnel naman ang ipinakalat ng Manila Police District (MPD) sa loob lamang ng bisinidad ng Quirino Grandstand, bukod pa sa mga nasa labas  at mga tauhan na rin ng INC na  umaalalay naman sa mga dumarating at tumatawid na mga tao sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Katigbak area at sa mismong Luneta park.

 

Mayroon ding Bible study pagsapit ng hapon  at mamamahagi rin ng mga ayuda sa mga benepisyaryo sa gabi.

 

Noong 2012 , nagsagawa na rin ng Grand Evangelical Mission sa Quirino Grandstand  na  dinaluhan naman ng tinatayang higit sa 600,000 katao. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)