Lider at miyembro ng notoryus na armadong grupo, patay sa Rodriguez, Rizal

Lider at miyembro ng notoryus na armadong grupo, patay sa Rodriguez, Rizal

October 9, 2018 @ 3:31 PM 4 years ago


 

Rodriguez, Rizal – Todas ang anim na miyembro ng notoryus na carnapping, robbery at illegal drug group matapos ang nangyaring shootout ng magsagawa ng operasyon ang awtoridad laban sa nasabing grupo martes ng umaga sa Rodriguez, Rizal.

Kaagad na namatay sa pinangyarihan ng insidente ang mga suspek, dalawa sa mga ito ay nakilala lamang sa alyas na Henry, na umanoy lider ng grupo, at Atan, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng apat pang mga miyembro na nasawi sa operation.

Ayon kay Sr. Supt. Lou Frias Evangelista, Rizal Police Provincial Director, ang mga  nasawi ay kabilang sa remnants ng Waray-Waray Group na ang kadalasang operasyon ay sa lalawigan ng Rizal at karatig lungsod ng Metro Manila.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas 8:15 ng umaga matapos na magsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch (PIB), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Rizal Police Provincial Office (RPPO) laban sa mga suspek sa kanilang hideout sa Double L, Barangay San Isidro Rodriguez, Rizal.

Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng grupo ng mga suspek at awtoridad at matapos ang ilang minutong barilan ay bumulagta na ang anim sa mga ito.

Nakuha sa mga ito ang tatlong kalibre .38, isang kalibre .45, isang kalibre .40, isang 9 mm na mga baril, granada, at aabot sa 50 gramo ng pinaniniwalaang shabu.

Ayon pa kay Evangelista, ang mga suspek ay sangkot sa mga ibat-ibang krimen katulad ng carnapping, robbery at pagtutulak ng iligal na droga sa lalawigan ng Rizal at karatig lungsod.

Nakuha rin sa hideout ng mga ito ang ilang plano ng mga bahay na balak sana nilang looban.

Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa Rizal PNP Crime Laboratory para sa eksaminasyon. Toto Nabaja