Lider ng kulto nanggulo sa simbahan, kulong!

Lider ng kulto nanggulo sa simbahan, kulong!

May 17, 2022 @ 11:31 AM 1 month ago


BARILI, Cebu- Kulungan ang kinabagsakan ng isang hinihinalang pinuno ng kulto matapos manggulo sa loob ng simbahan sa gitna ng seremonya ng pari, Linggo sa bayang ito.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Barili Police Station ang suspek na kinilalang si Jerome Villarin, 46, faith healer at taga Sitio Tagaytay, Barangay Vito ng nasabing bayan.

Ayon kay Police Major Felicisimo Aranas Jr., hepe ng Barili Police Station, dakong alas-4:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng simbahan sa San Isidro Labrador Parish sa Barangay Mantalongon, ng nasabing bayan.

Kwento ni Rev. Fr. Fiel Suico, parish priest ng San Isidro Labrador Parish, habang nasa gitna siya ng Holy Mass ay bigla na lamang nagsisigaw ang suspek.

Naging agaw-pansin ang suspek kasama ang 20 iba pa at nagsisigaw si Villarin “Ayaw mog to-o ana nga pari. Dili na mao iyang gipanulti. Iyaha na sa demonyo.” (Don’t believe that priest. What he is saying is not true. Those words are from the demon.)

Nagdulot ng takot sa mga deboto ng simbahan ang ginawa ng suspek at inawat ang mga ito na huwag guluhin ang misa subalit hindi nagpaawat si Villarin.

Tumawag na ng tulong sa mga awtoridad ang pamunuan ng simbahan na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nahaharap ngayon sa kasong interruption of a religious worship.

Inaalam na ng mga awtoridad kung anong grupo ang kinaaaniban ng suspek. Mary Anne Sapico