Midsayap, Cotabato – Patay ang isa sa matataas na lider ng Moro National Liberation Front (MNLF) matapos itong tambangan ng hindi pa matukoy na armadong kalalakihan sa Midsayap, North Cotabato kahapon.
Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na si Datu Lumambong Mananimbong, 66 anyos, division commander ng MNLF for Central Mindanao region habang sugatan naman sa insidente ang aide nito na si Bert Aran, kapwa naninirahan sa Carmen, North Cotabato.
Ayon kay Police Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato police, kakalabas pa lamang ng mga biktima sa gusali ng Hall of Justice sa Barangay Sadaan nang biglang sumulpot ang dalawang lalaki na sakay sa isang motorsiklo at agad silang pinaulanan ng bala.
Ilang sandali nang isagawa ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng katabing bayan ng Aleosan.
Sinubukan pa umanong dalhin sa Midsayap community hospital ang lider subalit dahil sa napuruhan ng husto sa tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan ay hindi na ito umabot ng buhay.
Hindi naman malaman sa imbestigasyon kung si Mananimbong ay armado ng baril o kung ito ay bantay sarado ng kanyang armadong bodyguards nang isagawa ang pagpatay sa kanya.
Si Mananimbong ay miyembro ng MNLF sa ilalim ni Nur Misuari at kabilang ito sa bumuo ng peace deal sa Maynila noong taong 1996.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente. (Jeff Gallos)