Lider ng NPA dedo sa bakbakan

Lider ng NPA dedo sa bakbakan

January 11, 2023 @ 1:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang lider ng New People’s Army sa nangyaring bakbakan laban sa tropa ng pamahalaan sa Sitio Banderahan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental nitong Martes, Enero 10.

Ayon kay Col. Michael Samson, acting commander ng 303rd Infantry Brigade (IBde) ng Philippine Army, kinilala ang nasawi na si Orlando Fat alias ‘Banban.’

Si alyas ‘Banban’ ay itinuturong political instructor ng Section Guerrilla Unit (SGU) 3, Central Negros Front 1, Komiteng Rehiyon Negros, Cebu, Bohol at Siquijor (KR-NCBS), na kumikilos sa tri-boundaries ng Guihulngan City, Canlaon City, sa Negros Oriental, at Moises Padilla sa Negros Occidental.

Nangyari ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng 62nd Infantry Battalion (IB) sa sumbong ng mga residente sa umano ay presensya ng armadong grupo na pinaniniwalaang mga rebeldeng NPA.

Wala namang naitalang sugatan sa hanay ng gobyerno.

Narekober mula sa encounter site ang .45 caliber pistol na may dalawang magasin, limang serviceable ammunition, 40mm grenade launcher, tatlong steel magazine ng M16 rifle na walang karga, empty plastic magazine ng M16 rifle, magazine pouch para sa .45 caliber pistol, holster para sa .45 caliber pistol, sling bag, back pack na may mga personal na gamit at mga subersibong dokumento.

Ang bakbakan sa Guihulngan ay kasunod lamang ng nangyari ring sagupaan sa pagitan ng 94th IB at ilang rebeldeng NPA sa Sitio Maliko-liko, Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental noong Enero 9 na ikinasawi ng itinuturong miyembro ng Sandatahang Yunit Propaganda ng Central Negros Front 1 na si Jose Gonzales Jr. RNT/JGC