Lider ng private armed group sumuko sa Basilan

Lider ng private armed group sumuko sa Basilan

December 4, 2022 @ 1:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sumuko sa mga awtoridad sa Basilan ang lider ng isang grupo na pinaniniwalang isang private armed group.

Ito ang ibinalita ni Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao nitong Sabado, Disyembre 3 kung saan si Sabtarul Arasalun, 66, ay sumuko ala-10 ng umaga ng Biyernes, Disyembre 2 sa municipal hall ng Tipo-Tipo, Basilan.

Ayon kay Verceles, si Arasalun ay lider ng Hamuto clan na isang potential private armed group sa Barangay Lagayas, Tipo-Tipo.

Isinuko nito ang isang .38-caliber revolver na may tampered serial number at mga bala.

Sa pagsuko ni Arasalun, aalisin na ang Hamuto clan sa listahan ng mga potential private armed groups sa Basilan.

Ang mga private armed groups ay karaniwang ginagamit ng mga politiko tuwing eleksyon. RNT/JGC