Liderato ng BuCor, papalitan?

Liderato ng BuCor, papalitan?

August 2, 2022 @ 12:41 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Naglutangan ang mga balita sa Department of Justice (DOJ) na posibleng palitan si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag.

Ang balita ay lumutang matapos makipagpulong si Justice Secretary Crispin Remulla sa isang international criminology expert para sa pagpapatupad ng pagbabago sa correction system ng bansa.

Una nang tinukoy ni Remulla na isa ang BuCOR sa problematic agency na nasa ilalim ng DOJ.

Sinabi ni Remulla na dahil sa walang tigil na kontrobersiya loob ng BuCor kaya nalalagay ang buong gobyerno sa masamang imahe.

Matatandaangsa pamumuno ni Bantag ay ilang kontrobersiya ang kinasangkutan ng BuCor kabilang dito ang misteryosong pagkamatay sa COVID ng wal9ng high profile inmates sa kasagsagan ng  pandemya.

Sinampahan na ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ ang mga sangkot sa Bilibid deaths.

Pumasok din sa isang maanomalyang Joint Venture Agreement (JVA) si Bantag sa pagitan ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation (ATOM) para sa paglipat ng prison facilities mula sa National Bilibid Prison(NBP) sa Muntinlupa City sa Nueva Ecija.

Lumitaw na Oktubre 2021 nang pasukin ang kasunduan sa ATOM ni Bantag at nang malaman ito ni dating Justice Secretary Menardo Guevarra noong Disyembre 2021 ay agad na pinasuspinde ang JVA gayundin kinastigo ng Muntinlupa City Council si Bantag na pumapasok sa isang master development plan nang walang pag-abiso sa local government.

Hindi lamang ito ang kauna unahan na nagdesisyon mag-isa si Bantag nang walang pagkonsulta sa DOJ at Muntinlupa city Government dahil noong Marso 2021 ay biglaan din itong nagpatayo ng brick wall para saraduhan ang isang komunidad sa NBP, June 2021 nag ipinasara nito ang Magdaong Drive sa mga motorista at November 2021 nng maglagay ng concrete wall sa gitna ng dalawang village sa Barangay Poblacion.

Ang aksyon na ito ni Bantag ay upang palakasin ang seguridad sa paligid ng NBP subalit nilinaw ni dating Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na walang permit at koordinasyon ang ginawa ni Bantag kaya naapektuhan ang mga residente na hindi nakalabas ng kanilang komunidad at nalabag ang kanilang right of way.

Dahil sa insidente ay nagkaroon ng congressional hearing at ideneklarang persona non grata ng Muntinlupa si Bantag habang winasak din ang mga pader na ipinatayo nito.

Hindi rin kinunsulta noon ni Bantag si Secretary Guevarra nang payagan nitong mainterview ng SMNI ang nakakulong na si Ret Gen Jovito Palparan.

Sinabi ni Undersecretary for Corrections Deo Marco na ikinagulat mismo ni Secretary Guevarra nang makita sa telebisyon ang television interview ni Palparan sa kasagsagan noon ng pandemic protocols.

Ipinaliwanag ni Marco na bagamat hindi naman pinagbabawalan ang pag-interview sa inmates ay kailangan ito ng approval ng kalihim subalit sa nasabing insidente ay si Bantag lang ang nagdesisyon mag isa at walang alam ang tanggapan. RNT