Liderato ni Pacquiao sa PDP-Laban walang problema; miyembro kailangang konsultahin – party exec

Liderato ni Pacquiao sa PDP-Laban walang problema; miyembro kailangang konsultahin – party exec

June 1, 2021 @ 4:45 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng isang opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan na walang problema sa liderato ni Sen. Manny Pacquiao bilang acting party president ngunit ang mga miyembro nito ang magdedesisyon kung pananatilihin o papalitan ito.

“Hayaan po natin iyong mga leaders at members ng PDP-Laban na magdesisyon niyan kapag po magaganap ang national assembly,” saad ni PDP-Laban Vice President for External Affairs Raul Lambino sa CNN Philippines.

“Ako, personally kaibigan ko si Senator Pacquiao at happy naman ako sa kanya, wala naman akong nakikitang problema sa pamumuno niya ngayon bilang acting president ng partido,” aniya pa.

“Ang gusto lang natin, magkaroon nitong malawakang konsultasyon at participatory democracy.”

Matatandaang sinabihan ni Pacquiao ang mga miyembro ng partido na huwag dumalo sa pagpupulong na inorganisa ni PDP-Laban vice chairman Energy Secretary Alfonso Cusi na aniya ay labag sa alituntunin ng samahan.

Nitong Lunes dinaos ang pagpupulong ng partido kung saan hinikayat si Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise-presidente sa 2022 elections.

Paliwanag ni Lambino na pinayagan ni Duterte, chairman ng PDP-Laban ang pagpupulong na inorganisa ni Cusi at aniya’y imbitado sina Pacquiao at dating PDP-Laban president Sen. Koko Aquilino “Koko” Pimentel dito.

Pinabulaanan din nito ang umano’y banggaan sa loob ng partido.

“Sinasabi namin sa PDP-Laban we adhere to one of our major principles — consultative and participatory democracy.”

Kamakailan sinabi ni PDP-Laban executive director Ron Munsayac na nais ni Pacquiao na makipagpulong sa Pangulo upang pag-usapan ang isyu sa partido. RNT/ELM