‘LIFE IS BEAUTIFUL’ – PNP CHIEF

‘LIFE IS BEAUTIFUL’ – PNP CHIEF

September 15, 2022 @ 5:50 PM 2 weeks ago


SA kabila ng suportado ng siyensiyang pagtutol ng mga health experts, na nagsasabing hindi pa napapanahon ang pagtatanggal ng mask sa mga pampublikong lugar dahil nariyan pa rin ang panganib ng hawahan ng COVID-19, naglabas si President Marcos ng Executive Order na nagsasabing opsiyonal na ang pagsusuot ng masks sa open spaces.
* * *

Nitong Linggo ng umaga, maraming taga-Metro Manila ang nakaranas mawalan ng kuryente, makaraang halos buong kabiserang rehiyon ang nagdilim sa kawalan ng supply. Gayunman, para sa aming taga-Quezon City, kaagad na naibalik ang kuryente makalipas ang halos isang oras.

Wala kaming ideya na ang pagkawala ng kuryente ay naranasan mula sa Ilocos hanggang sa Bicol, kabilang ang napakaraming lalawigan sa pagitan ng mga ito. Ang dahilan? Nasa 3,627 MW ng kuryente ang nawala sa grid matapos na pitong power plants ang napilitang mag-shutdown.

Tinawag ng National Grid Corporation of the Philippines ang insidente na “simultaneous forced outages,” kasabay nang pagtiyak ni Energy Secretary Raphael Lotilla na pansamantala lang ito at walang umiiral na kakapusan sa supply ng kuryente.

Pero taliwas dito ang sinasabi ng mga eskperto sa industriya ng enerhiya. Ngayon ang pinakamainam na panahon upang patunayan ni Lotilla na hindi siya naluklok sa posisyon dahil lang sa kanyang “power connections.”
* * *

Malaki ang inaasahan sa Philippine National Police ngayong sunud-sunod ang malalaking krimen, partikular na ang mga huling ulat ng pagdukot, syndicated crime, at crimes of passion.

Hayagang binabatikos ng netizens ang pamunuan ng PNP dahil sa pagiging malamya, ikinukumpara ito noong si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Chief PNP at basta na lang patay na bumubulagta sa madilim na eskinita ang mga kriminal.

Sa unang bahagi ng linggong ito, sinagot ni Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang kanyang mga kritiko sa pagsasabing “life is beautiful” at ang kamatayan ang pinakamadaling paraan ng pagsupil sa kasamaan – pero mas nanaisin daw niyang makita ang mga itong nakabilanggo at pinagdudusahan ang nagawa nilang kasalanan.

Ano pa bang masasabi ko? Sang-ayon po ako sa inyo, General Azurin, sir!
* * *

Binigyang-diin ni House Deputy Speaker Ralph Recto – isang beteranong mambabatas sa parehong kapulungan ng Kongreso – na ang huling pagkakataong pinondohan ng gobyerno ang pagpapatayo sa isang school library ay noon pang 2006.

Sa sumunod na 16 na taon, walang inilaang pondo ang Department of Education para magkaroon ng libraries sa lahat ng pampublikong eskuwelahan sa bansa. Nagkataon lang kaya na kulelat na ngayon ang Pilipinas sa 79 na bansang sinarbey kamakailan tungkol sa reading comprehension ng mga mag-aaral?
* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.