Life-size replicas ng Nazareno bawal sa ‘walk of faith’; checkpoints ikakasa

Life-size replicas ng Nazareno bawal sa ‘walk of faith’; checkpoints ikakasa

December 2, 2022 @ 9:04 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng pamunuan ng Simbahan ng Quiapo ang mga deboto na huwag nang magdala ng life-size replicas o imahe sa gagawing “Walk of Faith” sa Enero 8 .

Ayon kay Alex Irasga, adviser ng Quiapo church layon ng Simbahan maging maayos at payapa ang prusisyon at may mataas na antas ng debosyon sa Poong Hesus Nazareno.

Inaasahang magsisimula ang prusisyon o Walk of Faith alas dos ng madaling araw na tatagal ng dalawang oras bago makarating at makapasok sa Simbahan.

“We will not allow images that are more than 2 feet, only allowed are replicas that can be carried by hand. We have already contacted the police that there will be checkpoints on the roads entering the Grandstand and Quiapo and all those who are carrying huge images will not be allowed,” ayon kay Irasga

Sinabi naman ni Rugino Sescon Jr., rector ng Minor Basilica ng Black Nazarene na magkakaroon na ng misa hatinggabi pa lamang ng Enero 8 at magtuloy-tuloy na ito hanggang Enero 9.

Hinikayat din ng mga organizer ang mga deboto na sasama sa prusisyon na sumunod pa rin sa minimum public health standards.

Ang tradisyunal na Traslacion ay tinawag nang Nazarene 2023 ngunit kumpleto pa rin ang mga elemento sa pagdiriwang maliban na lamang sa nakasanayan na ‘pahalik’ at ‘ pasan’

Sa Pahalik na ngayon ay tinawag nang ‘Pagpupugay’ dapat nakasuot ang mga deboto ng face mask at mag-alcohol bago at pagkatapos ng humawak sa imahe sa Quirino Grandstand.

Wala na ring andas na makikita dahil ang prusisyon ay gagawin nang motorcade.

Maari din umanong dalhin ang mga imahe sa Plaza Miranda kung saan gagawin ang pagbabasbas sa Dec.27 hanggang 29.

“There will be blessing of images in the morning and in the afternoon,” pahayag ni Irasga.

Ang imahe ng Black Nazarene ay dadalhin na sa Quirino Grandstand sa Enero 7 at bago ito ibalik sa Quiapo church sa Enero 9 ay magkakaroon muna ng misa ganap na alas 12:.01 ng hatinggabi na pangungunahan ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula. Jocelyn Tabangcura-Domenden