Lifetime validity ng birth, death at marriage certificates, batas na

Lifetime validity ng birth, death at marriage certificates, batas na

August 2, 2022 @ 5:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Isa nang ganap na batas ang panukalang gawing permanente na ang bisa ng birth, death o marriage certificate.

Ito ang kinumpirma ni Senador Bong Revilla Jr., makaraang mag-lapse into law ang panukala nitong Hulyo 28.

Ibig sabihin, ayon kay Revilla, ang may-akda ng panukalang batas, hindi na kailangang paulit-ulit na kumuha ng mga nasabing dokumento ang publiko sa Philippine Statistics Authority (PSA) at sa mga local civil registry dahil permanente na ang validity nito.

Dahil dito, dapat na kilalanin at tanggapin ng lahat ng sangay ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang naturang mga dokumento kung kailangan sa gagawing transaksyon ng isang tao bilang patunay ng kaniyang katauhan o legal status.

Inihain ng senador ang nasabing batas dahil may mga ahensya aniya ng gobyerno ang humihingi ng bagong kopya ng mga nasabing dokumento pagkaraan ng anim na buwan at sa tuwing nagpapalit ang PSA ng kulay sa security paper na ginagamit sa paggawa ng mga certificate. RNT/ JCM