LIGTAS NA KAMAYNILAAN, HANGAD NI GEN. ESTOMO

LIGTAS NA KAMAYNILAAN, HANGAD NI GEN. ESTOMO

September 14, 2022 @ 3:57 PM 2 weeks ago


TOTOO namang napakahirap magmantine ng kapayapaan at kaayusan para sa pagkakasundo ng lahat sa lipunan, matatag na pulitika at maunlad na ekonomiya.

Kapag ang isang pamayanan ay payapa at maayos ay madali lang ang paghikayat ng mga mamumuhunan na magbibigay ng kabuhayan at trabaho sa mga tao at higit sa lahat ay humikayat hindi lang ng investors subalit mas lalo ang mga turista.

Kaya naman naisipan ni National Capital Region Police Office Director PBGen. Jonnel Estomo na ilunsad ang S.A.F.E. NCRPO na nangangahulugan ng SEEN, APPRECIATED, FELT thru EXTRAORDINARY deeds. Pero totoo rin na mas madaling sabihin kesa gawin.

Hindi naman maikakaila na isa ang Metro Manila na may kumplikadong uri ng kapayapaan at kaayusan sa bansa dahil sa napakarami ng mga taong namumuhay, nakatira at nakikisalamuha sa kanilang kapwa na may iba’t ibang pinagmulan.

Nasa Kamaynilaan din ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, negosyo at malalaking kumpanyang pribado na isa rin sa nakakaapekto sa usapin ng peace and order.

Para kay Estomo, isang malaking hamon ang naibigay sa kanya sa pagkakatalaga sa NCRPO kung kaya’t nais niyang ipakita hindi lang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police Chief PGen. Rodolfo Azurin, Jr. subalit maging sa mga residente at mamamayan ng Metro Manila ang kanyang kakayahan.

Ang proyektong S.A.F.E. NCRPO ni Estomo at kaalinsunod na rin sa programa ni Azurin na MKK=K na ang kahulugan ay Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan at Kaunlaran.

Sa programang inilunsad ni Estomo, binibigyang kasiguruhan niya sa mamamayan na habang natutulog sila ay gising ang mga pulis upang magbantay sa kanila at sa kanilang kabuhayan.

Kaya nga ang hamon na rin ni Estomo hindi lang sa kanyang mga pulis subalit maging sa mamamayan na makiisa sa programa sapagkat ang tagumpay ng NCRPO ay tagumpay ng pamayanang kanilang pinaglilingkuran.

Para sa top cop ng NCRPO, pagtutulungan at pagkakaisa pa rin ang susi sa tagumpay ng kampanyang kanyang inilunsad na naglalayon ng kaligtasan ng lahat.

Naniniwala si Estomo na ang ligtas na pamayanan ang magdudulot ng kaunlaran sa ating bayan.