Limang drug personality, patay sa buy bust operation

Limang drug personality, patay sa buy bust operation

July 21, 2018 @ 2:25 PM 5 years ago


Laguna – Limang lalaki na pawang nasa iligal na kalakalan ng droga ang napatay sa ikinasang buy bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Binan at Sta. Rosa City, Laguna.

Sa Barangay Macabling, Sta. Rosa City, nanlaban sa pulisya kaya napatay ang drug dealer na nakilala lamang sa alyas “Darwin” at isa pang kasamahan nito dakong alas 4 ng madaling araw kanina.

Habang nasa kalagitnaan ng transaksyon ay nakatunog umano ang mga suspek kung kayat naunang paputukan ng mga ito ang mga operatiba dahilan naman para gumanti ng putok ang pulisya.

Sa Barangay Canlalay, Binan, nanlaban din sa mga awtoridad ang drug suspect na nakilalang si Isagani Timoco matapos ang buy bust operation sa kanya dakong alas 11 ng gabi nitong Biyernes.

Dalawa pa sa kasamahan ni Timoco na nakilala sa mga pangalang “Pepong” at “Bote” ang nakipagbarilan din sa pulisya at hindi nakaligtas sa mga bala.

Narekober sa lugar ng engkuwentro ang tatlong .38 baril at ilang sachet na naglalaman ng shabu.

Si Timoco ay sinasabing miyembro ng kilabot na Rojo Drug group na kumikilos sa bayan ng Binan kung saan nitong buwan ng Hunyo lamang ay napatay ang kanilang leader na si Gaudencio Rojo III sa buy bust operation. (Jeff Gallos)