Limang journalist patay sa mass shooting sa Maryland… suspek arestado na

Limang journalist patay sa mass shooting sa Maryland… suspek arestado na

June 29, 2018 @ 10:20 AM 4 years ago


Maryland – Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril sa Capital Gaze newsroom na nasa Annapolis, Maryland.

Ayon sa mga awtoridad, planado talaga ng suspek ang krimen matapos makita ang ilang gamit na pampasabog sa gamit nito.

Naaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Jarrod Ramos, 38-anyos na nagtatago sa ilalim ng mesa.

Sinasabing pumasok umano ang suspek sa building na nasa 888 Bestgate Road na may hawak na shotgun at naghanap ng kanyang posibleng mabiktima hanggang sa lower level.

Lima ang napatay sa naganap na insidente kabilang ang editor ng dyaryo na si Rob Hiaasen habang ligtas na nailabas ang may 170 katao na naninirahan kalapit ng gusali.

Tiniyak naman ni Maryland Governor Larry Hogan na mareresolba ang nasabing pamamaril at nagpaabot na rin ito ng pakikiramay sa mga biktima.

Naglagay na rin ang NYPD ng kanilang counterterrorism teams sa mga media organization sa lungsod para hindi magaya ang naganap sa Maryland.

Bumuhos naman ang pakikiramay mula sa mga opisyal at mga kapwa journalist ng mga namatay.

Sa twitter ni US President Donald Trump, nag-alay ito ng panalangin at pakikiramay sa mga biktima.

Kinondena naman ni White House press secretary Sarah Sanders ang naturang pag-atake sa mga journalists.

“Strongly condemn the evil act of senseless violence in Annapolis, MD. A violent attack on innocent journalists doing their job is an attack on every American. Our prayers are with the victims and their friends and families,” ayon kay Sanders. (Remate News Team)