Limitadong religious gatherings para sa fully vaxxed pinapayagan sa Alert Level 3

Limitadong religious gatherings para sa fully vaxxed pinapayagan sa Alert Level 3

January 5, 2022 @ 4:10 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Pinapayagan ang limitadong religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3.

Ang pahayag na ito ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles ay matapos magdesisyon ang National Task Force na ipagbawal ang “in-person religious gathering” para sa Pista ng Itim na Nazareno.

Bago pa ang nasabing desisyon, maging si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nanawagan na isuspinde ang “in-person religious gathering” na may kinalaman sa Black Nazarene Feast o tinatawag na Traslacion.

“Under Alert Level 3, it is at 30% [allowed operating capacity] indoor for fully vaccinated,” ayon kay Nograles.

“Iyon pa rin po ang sinusunod natin, although we suspended religious gathering for the Feast of the Black Nazarene,” dagdag na pahayag nito.

Tinatayang may 50.6 milyong Filipino ang fully vaccinated laban sa COVID-19 habang nagpapatuloy naman ang pagtuturok ng booster shot laban sa COVID-19 sa mga may edad na 18 pataas.

Ang Kalakhang Maynila, Bulacan, Cavite at Rizal ay nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang Enero 15.

Bahagi ng Alert Level 3 protocol ang pagbabawal sa “in person classes” para sa basic education, karaoke at indoor entertainment, pagtitipon ng mga tao na hindi naman magkakasama sa iisang bahay, casino/horse racing/cockfighting operations at contact sports maliban para sa bubble set up.

Samantala, umakyat naman sa 26% ang COVID-19 positivity rate sa bansa “as of January 4” mula sa 1% noong kalagitnaan ng Disyembre ng nakaraang taon. Kris Jose